8 Ngayon, ito naman ang masasabi ko sa mga wala pang asawa at sa mga biyuda: Mas maiging manatili na lamang kayo sa ganyang kalagayan kagaya ko. 9 Ngunit kung hindi kayo makapagpigil sa inyong sarili, mag-asawa na lamang kayo. Mas mabuti na ito kaysa sa magkasala kayo dahil sa matinding pagnanasa ng laman.
10,11 Ngayon, sa inyong mga may asawa, may utos ako na sinabi mismo ng Panginoon: Hindi dapat hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung hihiwalay ang babae sa kanyang asawa, dapat manatili siyang walang asawa o di kayaʼy bumalik na lamang sa kanyang asawa.