1 Kayong mga babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, upang kung ang asawa ninyoʼy hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, maaaring madala nʼyo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita. 2 Sapagkat nakikita nilang may takot kayo sa Diyos at malinis ang pamumuhay ninyo. 3 Huwag ninyong pagkaabalahan ang panlabas na kagandahan na mula sa pag-aayos ng buhok, pagsusuot ng mga gintong alahas, at mamahaling mga kasuotan. 4 Sa halip, ang inyong kagandahan ay dapat magmula sa kalooban – ang kagandahang hindi kumukupas, na bunga ng maamo at mahinahong espiritu, na siyang mahalaga sa paningin ng Diyos. 5 Sapagkat noong unang panahon, ito ang pagpapagandang ginawa ng mga banal na babaeng nagtitiwala sa Diyos. At nagpasakop sila sa kani-kanilang mga asawa. 6 Ganoon ang ginawa ni Sara. Sinunod niya si Abraham at tinawag pa niyang panginoon. Maituturing kayong mga anak ni Sara, kung matuwid ang inyong ginagawa, at kung wala kayong kinatatakutan.