Publicidade

1 Samuel 1

Ang Kapanganakan ni Samuel

1 May isang lalaking mula sa angkan ni Zuf na ang pangalan ay Elcana. Nakatira siya sa Rama, sa maburol na lupain ng Efraim. Anak siya ni Jeroham na anak ni Elihu. Si Elihu ay anak naman ni Tohu na anak ni Zuf, na mula sa lahi ni Efraim. 2 Si Elcana ay may dalawang asawa. Sila ay sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala.

3 Taon-taon, pumupunta si Elcana sa Silo upang sumamba at maghandog sa Panginoon ng mga Hukbo. Ang dalawang lalaking anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ang mga pari ng Panginoon doon sa Silo. 4 Sa tuwing maghahandog si Elcana, hinahati niya ang ibang bahagi ng kanyang handog para kay Penina at sa mga anak nito. 5 Ngunit doble ang bahagi na ibinibigay niya kay Ana dahil mahal niya ito kahit hindi siya nagkakaanak, dahil ginawa siyang baog ng Panginoon. 6 At dahil ginawa siyang baong ng Panginoon, palagi siyang iniinis at hinihiya ng kanyang karibal na si Penina. 7 Ganito ang laging nangyayari taon-taon. Sa tuwing pupunta si Ana sa bahay ng Panginoon, iniinis siya ni Penina hanggang sa umiyak na lang siya at hindi na kumain. 8 Sinasabi ni Elcana sa kanya, "Bakit ka umiiyak? Bakit ayaw mong kumain? Bakit ka malungkot? Mas mahalaga ba para saʼyo ang sampung anak kaysa sa akin?"

9,10 Minsan, pagkatapos nilang kumain sa Silo, tumayo si Ana at nanalangin nang umiiyak dahil sa labis na kalungkutan. Nakaupo noon ang pari na si Eli sa may pintuan ng bahay ng Panginoon.: Sa Hebreo, templo ng Panginoon. 11 Nangako si Ana sa Panginoon. Sinabi niya, "O Panginoon ng mga Hukbo, tingnan po ninyo ang aking paghihirap. Alalahanin ninyo ang inyong lingkod at huwag ninyo akong kalimutan. Kung bibigyan nʼyo po ako ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo para maglingkod sa inyo sa buong buhay niya. At bilang tanda ng lubos niyang pagsunod sa inyo, hinding-hindi ko po pagugupitan ang kanyang buhok."

12,13 Habang patuloy siyang nananalangin sa Panginoon, nakita ni Eli na bumubuka ang bibig ni Ana pero hindi naririnig ang kanyang boses. Inakala ni Eli na lasing si Ana, 14 kaya sinabi niya sa kanya, "Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom!"

15 Sumagot si Ana, "Hindi po ako lasing, at hindi po ako nakainom ng kahit anong klase ng inumin. Ibinubuhos ko lang po sa Panginoon ang paghihirap na aking nararamdaman. 16 Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan."

17 Sinabi ni Eli, "Sige, umuwi kang mapayapa. Sanaʼy ipagkaloob ng Diyos ng Israel ang hinihiling mo sa kanya."

18 Sumagot si Ana, "Salamat po sa kabutihan ninyo sa akin." Pagkatapos ay umalis na siya at kumain, at nawala na ang lungkot sa kanyang mukha.

19 Kinabukasan, maagang bumangon si Elcana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elcana si Ana at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Ana na bigyan siya ng anak. 20 At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel, dahil sinabi niya, "Hiningi ko siya sa Panginoon."

Inihandog ni Ana si Samuel

21 Nang dumating ang taunang paghahandog ni Elcana sa Panginoon, pumunta siya sa Silo kasama ang kanyang buong pamilya, upang maghandog at tuparin ang kanyang panata, 22 ngunit si Ana ay hindi sumama. Sinabi niya sa kanyang asawa, "Kapag puwede nang mahiwalay sa akin ang bata, dadalhin ko siya sa bahay ng Panginoon upang ihandog, at doon na siya titira sa buong buhay niya."

23 Sumagot si Elcana, "Gawin mo kung ano ang sa tingin mo ay mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa puwede nang mahiwalay saʼyo ang bata. Tulungan ka sana ng Panginoon na matupad ang ipinangako mo sa kanya." Kaya nagpaiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak.

24 Nang maawat na ang bata, dinala siya ni Ana sa bahay ng Panginoon sa Silo. Nagdala rin siya ng tatlong taóng gulang na toro, kalahating sako ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang-balat. 25 Matapos katayin ang toro, dinala nila si Samuel kay Eli. 26 Sinabi ni Ana kay Eli, "Kung natatandaan nʼyo po, ako ang babaeng tumayo rito noon na nanalangin sa Panginoon. 27 Hiningi ko po ang batang ito sa Panginoon at ibinigay niya ang kahilingan ko. 28 Kaya ngayon, ihahandog ko po siya sa Panginoon. Maglilingkod po ang batang ito sa Panginoon sa buong buhay niya." Pagkatapos ay sumamba sila sa Panginoon.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-20_17-16-08-