1 Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Joel na anak ni Petuel.
2 Kayong mga tagapamahala ng Juda,
makinig kayo;
lahat ng nakatira sa lupaing ito,
dinggin ninyo ang sasabihin ko.
May nangyari na bang katulad nito
sa panahon ninyo
o sa panahon ng inyong mga ninuno?
3 Kailangang isalaysay ito
sa bawat henerasyon ng inyong lahi.
4 Sunod-sunod na sumalakay
ang mga pulutong ng balang.
Ang mga naiwang tanim
na hindi naubos ng unang pulutong
ay kinain ng sumunod na pulutong
hanggang sa naubos ang mga tanim.
5 Kayong mga lasenggo,
bumangon kayo
at umiyak nang malakas!
Sapagkat wala na kayong maiinom;
wala nang bunga ang mga ubas
na gagawing alak.
6 Ang lupain ng Panginoon: Sa literal, aking lupain, na siyang Juda.
ay sinalakay ng napakaraming balang.
Matatalas ang kanilang mga ngipin
tulad ng mga pangil ng leon.
7 Sinira nila ang mga tanim
na ubas ng Panginoon
at ang kanyang mga puno ng igos.
Nginatngat nila ang mga balat nito
hanggang sa mamuti ang mga sanga.
8 Magluksa kayo katulad ng isang dalaga
na nakadamit ng sako;
umiiyak dahil namatayan
ng mapapangasawa.
9 Sapagkat wala nang butil o inumin
na maihahandog
sa templo ng Panginoon,
kaya nagluluksa ang mga paring
naglilingkod sa kanya.
10 Nasalanta ang mga bukirin
na parang taong nagdadalamhati.
Nasira na ang mga trigo,
at wala na ang katas ng ubas at langis.
11 Kayong mga magsasaka,
dapat kayong malungkot!
Kayong mga tagapangalaga ng ubasan,
umiyak kayo nang malakas!
Sapagkat nasira ang aanihing
mga trigo at sebada.
12 Nalanta ang mga tanim na ubas
at ang lahat ng puno,
pati na ang mga igos,
pomegranata, palma, at mansanas.
Tuluyan nang nawala
ang kaligayahan ng mga tao.
13 Kayong mga paring naglilingkod
sa altar ng aking Diyos,
magsuot kayo ng sako
at pumunta sa templo
at umiyak buong magdamag.
Sapagkat wala nang butil o inumin
na ihahandog
sa templo ng inyong Diyos.
14 Sabihin ninyo sa mga tagapamahala ng Juda
at sa lahat ng kanyang mamamayan
na pumunta silang lahat sa templo
ng Panginoon na inyong Diyos
at mag-ayuno.
Humingi sila ng tulong
sa Panginoon.
15 Naku! Malapit na ang araw
ng paghatol ng Panginoon.
Darating ito mula sa Makapangyarihan
at magdadala ng kapahamakan.
16 Nakita natin mismo kung paano tayo
nawalan ng pagkain
at kung paano nawala ang kagalakan
sa Templo ng Diyos.
17 Namatay ang mga binhi sa tigang na lupa.
At dahil natuyo ang mga butil,
wala nang laman ang mga bodega,
kaya nagiba na lamang ang mga ito.
18 Umaatungal ang kawan ng hayop
dahil sa gutom.
Gumagala ang mga baka
na naghahanap ng makakain,
pati ang mga tupa ay nagdurusa.
19 Panginoon, nananawagan po
ako sa inyo,
dahil natuyo na ang mga pastulan
at ang lahat ng punongkahoy sa bukirin,
na parang nilamon ng apoy.
20 Maging ang mga hayop sa gubat
ay dumadaing sa inyo,
dahil tuyong-tuyo na
ang mga ilog at mga sapa,
at tuyo na rin ang mga pastulan,
na parang nilamon ng apoy.