Publicidade

Filipenses 2

Ang Pagpapakumbaba ni Kristo

1 Hindi baʼt masigla kayo dahil nakay Kristo kayo? Hindi baʼt masaya kayo dahil alam ninyong mahal niya kayo? Hindi baʼt may mabuti kayong pagsasamahan dahil sa Espiritu? At hindi baʼt may malasakit at pang-unawa kayo sa isaʼt isa? 2 Kung ganoon, nakikiusap ako na lubusin na ninyo ang kagalakan ko: Magkasundo kayoʼt magmahalan, at magkaisa sa isip at layunin. 3 Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isaʼt isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. 4 Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin ninyo kundi ang kapakanan din ng iba.

5 Magkaroon nawa kayo ng kaisipang katulad ng kay Kristo Hesus:

6 Bagamaʼt siya ay Diyos,

hindi niya itinuring ang pagiging kapantay ng Diyos

bilang isang bagay na dapat panghawakan.

7 Sa halip, ibinaba niya nang lubusan ang kanyang sarili

sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin.

Naging tao siyang tulad natin.

8 At sa pagiging tao niya,

nagpakumbaba siya at naging masunurin sa Diyos hanggang sa kamatayan,

maging sa kamatayan sa krus.

9 Kaya naman itinaas siyang lubos ng Diyos

at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan,

10 upang sa pangalan ni Hesus, luluhod at magpupuri

ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa.

11 At ipapahayag ng lahat na si Hesu-Kristo ang Panginoon,

sa ikapupuri ng Diyos Ama.

Magsilbi Kayong Ilaw na Nagliliwanag

12 Mga minamahal, kung paanong palagi ninyo akong sinusunod noong magkakasama pa tayo, mas lalo sana kayong maging masunurin kahit ngayong malayo na ako sa inyo. Sikapin ninyong ipamuhay ang kaligtasang tinanggap ninyo nang may takot at paggalang sa Diyos. 13 Sapagkat ang Diyos ang siyang kumikilos sa inyo upang magkaroon kayo ng pagnanais at kakayahang masunod ang kalooban niya.

14 Gawin ninyo ang lahat nang walang reklamo o pagtatalo, 15 upang maging malinis kayo at walang kapintasang mga anak ng Diyos sa gitna ng suwail at baluktot na henerasyon. Kailangang magsilbi kayong ilaw na nagliliwanag sa kanila 16 habang pinaninindigan ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. At kung gagawin ninyo ito, may maipagmamalaki ako sa pagbabalik ni Kristo, dahil alam kong hindi nasayang ang pagsisikap ko sa inyo. 17 Ang paglilingkod ninyo na bunga ng inyong pananampalataya ay tulad sa isang handog. At kung kinakailangang ibuhos ko ang aking dugo sa handog na ito, maligaya pa rin ako at makikigalak sa inyo. 18 At dapat maligaya rin kayo at makigalak sa akin.

Si Timoteo at si Epafroditus

19 Umaasa ako sa Panginoong Hesus na mapapapunta ko diyan si Timoteo sa lalong madaling panahon, upang masiyahan naman ako kapag naibalita niya ang tungkol sa inyo. 20 Siya lang ang kilala ko na katulad kong nagmamalasakit sa inyo nang totoo. 21 Ang ibaʼy walang ibang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan, sa halip na ang mga bagay ukol kay Hesu-Kristo. 22 Ngunit alam ninyo kung paano pinatunayan ni Timoteo ang kanyang sarili. Para ko siyang tunay na anak sa pagtulong niya sa akin sa pangangaral ng Magandang Balita. 23 Binabalak kong papuntahin siya sa inyo kapag nalaman ko na ang magiging hatol sa akin dito. 24 At umaasa ako sa Panginoon na ako mismo ay makakapunta sa inyo sa lalong madaling panahon.

25 Sa ngayon, naisip kong kailangan nang pabalikin sa inyo ang kapatid nating si Epafrodito na pinapunta ninyo rito para tulungan ako. Tulad ko rin siyang manggagawa at kapwa kawal ng Diyos. 26 Sapagkat, sabik na sabik na siyang makita kayo, at hindi siya mapalagay dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoo ngang nagkasakit siya, at muntik nang mamatay. Ngunit naawa ang Diyos sa kanya at maging sa akin, upang hindi madagdagan ang aking kalungkutan. 28 Kaya gusto ko na siyang pabalikin para matuwa kayo kapag nakita na ninyo ulit siya, at hindi na rin ako mag-aalala. 29 Kaya tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang kapatid sa Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya, 30 dahil nalagay sa panganib ang kanyang buhay para sa gawain ni Kristo. Itinaya niya ang kanyang buhay upang matulungan ako bilang kinatawan ninyo.

Veja também

Publicidade
Filipenses
Ver todos os capítulos de Filipenses
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-