Publicidade

Filipenses 3

Ang Tunay na Pagiging Matuwid

1 Ngayon, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi ako magsasawang sabihin ito nang paulit-ulit dahil para ito sa kabutihan ninyo. 2 Mag-ingat kayo sa mga asal-hayop, silang mga gumagawa ng masasama at ipinipilit ang pagtutuli. 3 Ngunit tayo ang totoong tuli, dahil naglilingkod tayo sa Diyos sa tulong ng kanyang Espiritu, at ipinagmamalaki ang ginawa ni Kristo Hesus. Hindi tayo nagtitiwala sa mga panlabas na seremonya o panuntunan. 4 Kung sabagay, mayroon akong maipagmamalaki kung ang pagsunod sa mga seremonya ang pag-uusapan.

Kung iniisip ninuman na may katwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako.

5 Noong walong araw pa lamang akoʼy tinuli na ako. Isa akong Israelita na mula sa lahi ni Benjamin, isang tunay na Hebreo. At kung pagsunod sa Kautusan naman, talagang sinusunod ko ito dahil Pariseo ako. 6 Kung tungkol naman sa sigasig ko bilang Hudyo, inusig ko ang iglesya. Walang maipipintas sa akin pagdating sa pagsunod sa Kautusan.

7 Pinapahalagahan ko noon ang lahat ng ito, ngunit ngayoʼy itinuturing ko na itong walang halaga dahil kay Kristo. 8 At hindi lang iyan, para sa akin, ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa di-mapapantayang halaga ng pagkakilala ko kay Kristo Hesus na aking Panginoon. Itinuturing ko nang basura ang lahat ng bagay makamtan ko lamang si Kristo, 9 at ako namaʼy maging kanya. Hindi na ako nagtitiwala na akoʼy magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan kundi sa pananampalataya kay Kristo. Ang pagiging matuwid na ito ay kaloob ng Diyos dahil sa pananampalataya. 10 Nais ko ngayon na higit pang makilala si Kristo, maranasan ang kapangyarihan ng muli niyang pagkabuhay, makabahagi sa mga paghihirap niya at matulad sa kanya, sa kamatayan niya. 11 Sa ganoon, mabubuhay akong muli. Harinawa.

Magpatuloy Hanggang Makamtan ang Gantimpala

12 Hindi ko sinasabing nakamtan ko na ang lahat, o kayaʼy naging ganap na ako. Sa halip, patuloy akong nagsusumikap upang makamtan iyon, dahil ito ang layunin ni Kristo Hesus nang tawagin niya ako. 13 Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. 14 Nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Diyos na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Kristo Hesus.

15 Tayong matibay ang pananampalataya ay magkaroon sana ng ganitong kaisipan. Ngunit kung hindi ganito ang pag-iisip ninyo, ipapaunawa ito sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay patuloy nating sinusunod ang mga katotohanang natutunan na natin.

17 Mga kapatid, tularan ninyo ako, at tularan din ninyo ang iba pang namumuhay nang tulad namin. 18 Sapagkat marami ang namumuhay na kumukontra sa kahulugan ng kamatayan ni Kristo sa krus. Ilang ulit ko nang sinabi sa inyo noon pa ang tungkol dito, at ngayoʼy sinasabi kong muli na may kasamang luha. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila dahil dinidiyos nila ang kanilang tiyan. Ipinagmamalaki pa nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga makamundong bagay. 20 Ngunit para sa atin, ang langit ang tunay nating bayan. At mula roon, hinihintay natin nang may pananabik ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ang Panginoong Hesu-Kristo. 21 Sa pagdating niya, babaguhin niya ang mahihina at namamatay nating katawang lupa at gagawing tulad ng maluwalhati niyang katawan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang sumasakop sa lahat ng bagay.

Veja também

Publicidade
Filipenses
Ver todos os capítulos de Filipenses
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-