Publicidade

Filipenses 4

Mga Bilin

1 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.

2 Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique, na magkasundo na sila sa pananaw bilang magkapatid sa Panginoon. 3 At nakikiusap din ako sa iyo, tapat kong kasama sa pangangaral, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat katulong ko sila sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama nina Clemente at ng iba ko pang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.

4 Magalak kayong palagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!

5 Ipakita ninyo sa lahat ang kagandahang-loob ninyo. Malapit nang dumating ang Panginoon! 6 Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong pangangailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 Kapag ginawa ninyo ito, bibigyan kayo ng Diyos ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Kristo Hesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.

8 Bukod diyan, mga kapatid, palagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. 9 Ipamuhay ninyo ang lahat ng natutunan ninyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.

Ang Pasasalamat ni Pablo sa Kanilang Tulong

10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli ninyong ipinakita ang pagmamalasakit ninyo sa akin. Alam kong palagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12 Marunong akong mamuhay sa hirap o sa ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. 13 Kaya kong harapin ang kahit anong sitwasyon sa pamamagitan ni Kristo na nagpapatatag sa akin.

14 Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan ninyo ako sa kagipitan ko. 15 Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa akin sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. 16 Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. 17 Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. 18 Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala ninyo sa akin sa pamamagitan ni Epafrodito, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Diyos na tinatanggap niya nang may kasiyahan. 19 At dahil kayoʼy nakay Kristo Hesus, ibibigay sa inyo ng aking Diyos ang lahat ng pangangailangan ninyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya.

20 Purihin natin ang ating Diyos at Ama magpakailanman. Amen.

Mga Pangwakas na Pagbati

21 Ikumusta ninyo ako sa lahat ng mga hinirang diyan ng Diyos na nakay Kristo Hesus.

Kinukumusta kayo ng mga kapatid kay Kristo na kasama ko rito.

22 Kinukumusta rin kayo ng lahat ng mga hinirang ng Diyos dito, lalong-lalo na ang mga naglilingkod sa palasyo ng Emperador.

23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Hesu-Kristo.

Veja também

Publicidade
Filipenses
Ver todos os capítulos de Filipenses
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-