Publicidade

Joel 2

Ang Pagsalakay ng mga Balang

1 Hipan ninyo ang trumpeta;

bigyang babala ang mga tao sa Zion,

ang banal na bundok ng Panginoon.

Lahat kayong nakatira sa Juda,

manginig kayo sa takot,

dahil malapit na ang araw

ng paghatol ng Panginoon.

2 Magiging maulap at madilim ang araw na iyon.

Kakalat ang napakaraming balang

sa mga kabundukan na parang sinag ng araw

kapag nagbubukang-liwayway.

Wala pang nangyaring kagaya nito noon,

at hindi na mangyayari

ang katulad nito kahit kailan.

3 Sunod-sunod na sumalakay

ang mga balang na parang apoy.

Bago sila dumating

ang lupain ay parang halamanan ng Eden.

Ngunit nang masalakay na nila,

para na itong disyerto.

Wala silang halamang itinira.

4 Parang kabayo ang kanilang anyo,

at kasimbilis sila ng mga kabayong pandigma.

5 Ang ingay ng kanilang paglukso

sa ibabaw ng mga bundok

ay parang mga karwaheng tumatakbo

at parang ingay ng nasusunog na dayami.

Tulad sila ng makapangyarihang hukbo

na handang makipagdigma.

6 Ang mga taong makakakita sa kanila

ay mamumutla sa takot.

7 Sumasalakay sila

at umaakyat sa mga pader

na parang mga sundalo.

Diretso ang kanilang paglakad

at hindi lumilihis sa kanilang dinadaanan.

8 Hindi sila nagtutulakan,

at kahit makasalubong nila

ang mga sandata ng kaaway,

hindi sila naghihiwa-hiwalay.

9 Sinasalakay nila ang lungsod

at inaakyat ang mga pader nito.

Inaakyat nila ang mga bahay

at pumapasok sa mga bintana

na parang magnanakaw.

10 Nayayanig ang lupa

at ang langit sa kanilang pagdating.

At nagdidilim ang araw at ang buwan,

at nawawalan ng liwanag ang mga bituin.

11 Dumadagundong ang sigaw

ng Panginoon

habang pinamumunuan

ang kanyang hukbo;

lubhang napakarami

ng kanyang mga sundalo,

at makapangyarihan ang

mga sumusunod sa kanyang utos.

Dakila ang araw ng paghatol

ng Panginoon;

itoʼy sadyang kakila-kilabot.

Sino ang makakatiis nito?

Ang Panawagang Manumbalik sa Diyos

12 Sinabi ng Panginoon,

"Gayunman, magbalik-loob kayo sa akin

nang buong puso,

may pag-aayuno,

pananangis at pagdadalamhati."

13 Magsisi kayo nang buong puso

at hindi pakitang-tao lamang

tulad ng pagpunit ninyo

ng inyong mga damit.

Magbalik-loob kayo sa Panginoon

na inyong Diyos,

sapagkat siyaʼy mahabagin

at mapagmalasakit,

hindi madaling magalit

at wagas ang pag-ibig.

Naghuhunos-dili siya

at hindi itinutuloy ang kanyang parusa.

14 Baka sakaling magbago ang isip

ng Panginoon na inyong Diyos

at pagpalain kayo ng masaganang ani,

upang makapaghandog kayo sa kanya

ng mga butil at inumin.

15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion

at ipaalam sa mga tao

na magtipon sila at mag-ayuno.

16 Gawin ninyo ang seremonya ng paglilinis

at magtipon kayong lahat,

bata at matanda,

pati mga sanggol

at maging ang mga bagong kasal.

17 Hayaan ang mga pari na naglilingkod

sa harapan ng Panginoon

na umiyak sa pagitan ng altar

at balkonahe ng templo.

Manalangin sila ng ganito:

"Panginoon, mahabag po kayo

sa inyong bayan.

Huwag ninyong payagan na silaʼy hiyain

at sakupin ng ibang bansa na nagsasabi,

‘Nasaan ang kanilang Diyos?’ "

Pagpapalain ng Panginoon ang Juda

18 Nagmamalasakit ang Panginoon

sa kanyang bayan

at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan.

19 Sumagot ang Panginoon sa kanila,

"Bibigyan ko kayo ng mga butil,

bagong alak, at langis,

at mabubusog kayo.

Hindi ko papayagang hiyain kayo

ng ibang bansa.

20 "Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo

mula sa hilaga at itataboy ko sila

sa disyerto.

Itataboy ko ang unang pulutong nila

sa Dagat na Patay

at ang huling pulutong ay itataboy ko

sa Dagat ng Mediteraneo.

At aalingasaw

ang kanilang mga bangkay."

Tunay na kamangha-mangha

ang ginawa ng Panginoon.

21 Hindi dapat matakot

ang lupain ng Juda,

sa halip dapat itong magalak

dahil sa kamangha-manghang ginawa

ng Panginoon.

22 Huwag matakot ang mga hayop,

dahil luntian na ang mga pastulan

at namumunga na ang mga punongkahoy,

pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas.

23 Magalak kayong mga taga-Zion,

sa ginawa sa inyo ng Panginoon

na inyong Diyos.

Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan

at nasundan pa ito gaya ng dati

upang ipakita na matuwid siya.

24 Mapupuno ng butil ang mga giikan,

at aapaw ang bagong alak

at langis sa mga pisaan nito.

25 Sapagkat sinasabi ng Panginoon,

"Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo

noong mga panahong sinalakay

ang inyong mga pananim

ng sunod-sunod na pulutong

ng mga balang na iyon.

Ako ang nagpadala sa inyo

ng napakalaking pulutong ng mga balang.

26 Magkakaroon na kayo ngayon

ng saganang pagkain

at lubusang mabubusog.

At dahil dito, pupurihin ninyo ako,

ang Panginoonna inyong Diyos,

na gumawa ng mga kamangha-manghang

bagay na iyon.

At kayong aking mga mamamayan

ay hindi na mapapahiya kailanman.

27 Malalaman ninyong akoʼy sumasainyo

na mga taga-Israel,

at ako lamang ang Panginoon

na inyong Diyos

at wala nang iba pa.

Kayong aking mga mamamayan

ay hindi na mapapahiya kailanman.

Ang Araw ng Paghatol ng Panginoon

28 "At pagkatapos, ibibigay ko

ang aking Espiritu sa lahat ng tao.

Ang inyong mga anak na lalaki at babae

ay magpapahayag ng mga propesiya.

Ang inyong matatandang lalaki

ay mananaginip,

at ang inyong mga binata

ay makakakita ng mga pangitain.

29 Sa mga araw na iyon,

ibibigay ko rin ang aking Espiritu

sa mga utusang lalaki at babae.

30 Magpapakita ako ng mga himala

sa langit at sa lupa:

May makikitang dugo, apoy,

at makapal na usok.

31 Magdidilim ang araw

at magkukulay-dugo ang buwan.

Mangyayari ito bago dumating

ang kamangha-manghang araw

ng paghuhukom ng Panginoon.

32 Ang sinumang hihingi

ng tulong sa Panginoon

ay maliligtas sa parusang darating.

Sapagkat ayon sa sinabi ng Panginoon,

may matitirang mga Israelita

sa Bundok ng Zion, ang Jerusalem.

Sila ang mga pinili ng Panginoon

na maliligtas.

Veja também

Publicidade
Joel
Ver todos os capítulos de Joel
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-