Publicidade

Miquéias 3

Sinaway ang mga Pinuno at mga Propeta

1 Sinabi ni Micas:

"Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda!

Hindi baʼt kayo ang dapat magpatupad

ng katarungan?

2 Subalit napopoot kayo sa kabutihan

at minamahal ang kasamaan.

Binabalatan ninyo

ang aking mamamayan,

tinatanggalan ninyo ng laman

ang kanilang mga buto.

3 Kinakain ninyo ang kanilang laman,

inaalisan sila ng balat,

Binabali ang kanilang buto

hanggang magkapira-piraso.

Tinatadtad ninyo sila tulad

ng mga karneng iluluto,

mga laman na pakukuluan sa kaldero.

4 "Sa araw ng pagpaparusa sa inyo,

hihingi kayo ng tulong sa Panginoon,

ngunit hindi niya kayo tutulungan;

itatakwil niya kayo

dahil sa inyong kasamaang ginagawa.

5 "Ito naman

ang sinasabi ng Panginoon

tungkol sa mga propetang nanlinlang

sa kanyang mga mamamayan,

na nangangako ng mabuting kalagayan

sa mga nagpapakain sa kanila,

ngunit binabantaan nila

ng kapahamakan

ang ayaw magpakain sa kanila:

6 ‘Dahil iniligaw ninyo

ang aking mga mamamayan,

hindi na kayo magkakaroon

ng mga pangitain

at hindi na kayo makapanghuhula.

Para kayong nasa dilim

na wala kayong makikita.

7 Mapapahiya kayong mga propeta

at manghuhula.

Magtatakip kayo ng mukha sa sobrang hiya,

dahil wala na kayong natatanggap

na mensahe mula sa Diyos.’

8 Ngunit ako ay puspos

ng Espiritu ng Panginoon

na siyang nagbibigay

sa akin ng kapangyarihan

upang maipatupad ko ang katarungan,

at nagpapalakas ng loob ko

para masabi sa mga mamamayan

ng Israel at Juda na nagkasala sila.

9 Makinig kayo,

mga pinuno ng Israel at Juda!

Ayaw ninyong pairalin ang katarungan

at binabaluktot ninyo ang katuwiran.

10 "Itinatayo ninyo ang Zion

sa masamang paraan.

Handa kayong

pumatay maitayo lamang ito.

11 Humahatol kayong panig

sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo.

At kayong mga pari

ay nagpapabayad sa pagtuturo.

Ganoon din kayong mga propeta,

nanghuhula kayo dahil sa pera.

Umaasa rin kayong tutulungan kayo

ng Panginoon,

dahil ayon sa inyo,

‘Kasama namin ang Panginoon.

Kaya walang anumang

masamang mangyayari sa amin.’

12 Kaya dahil sa inyo,

wawasakin ang Zion,

ang lungsod ng Jerusalem.

Magiging katulad ito ng inararong bukid,

at magiging bunton

ng mga gumuhong gusali.

At magiging gubat ang bundok

na kinatatayuan ng templo."

Veja também

Publicidade
Miquéias
Ver todos os capítulos de Miquéias
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-