Publicidade

Miquéias 6

Ang Paratang ng Panginoon Laban sa mga Israelita

1 Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon:

"Tumindig kayo at ilahad ang inyong kaso;

iparinig ninyo sa mga bundok

at mga burol ang inyong reklamo.

2 "At kayong mga bundok na matitibay

na pundasyon ng mundo,

pakinggan ninyo

ang paratang ng Panginoon

laban sa mga Israelita

na kanyang mga mamamayan.

3 "Mga mamamayan ko,

ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo?

Pinahirapan ko ba kayo?

Sagutin ninyo ako.

4 Inilabas ko kayo mula sa Ehipto

at iniligtas kayo sa lupain

ng pagkaalipin.

At pinili ko sina Moises,

Aaron at Miriam

upang pangunahan kayo.

5 Mga mamamayan ko,

alalahanin din ninyong

sinugo ni Haring Balak ng Moab

si Balaam na anak ni Beor

upang sumpain kayo.

Ngunit pinagsalita ko si Balaam

ng mga pagpapala sa inyo.

Alalahanin ninyo ang inyong paglalakbay

mula Shitim hanggang Gilgal

kung saan ipinakita sa inyo

ang aking katapatan.

Alalahanin ninyo ang mga pangyayaring ito

upang malaman ninyong

iniligtas kayo ng Panginoon."

6 Sumagot ang isang Israelita,

"Ano ang ihahandog ko

sa Panginoon, ang Diyos sa langit,

kapag sasamba ako sa kanya?

Mag-aalay ba ako ng guya

bilang handog na sinusunog?

7 Matutuwa kaya ang Panginoon

kung hahandugan ko siya

ng libo-libong tupa

at nag-uumapaw na langis?

Ihahandog ko ba sa kanya

ang panganay kong anak bilang kabayaran

sa aking mga kasalanan?"

8 Hindi! Sinabi na ng Panginoon

kung ano ang mabuti.

At ano ang ninanais niya sa inyo?

Gawin ang matuwid,

pairalin ang pagkamaawain,

at buong pagpapakumbabang

sumunod sa Diyos.

Parurusahan ng Panginoon ang mga Israelita

9 Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon

sa lungsod ng Jerusalem,

dahil ang taong may takot sa kanya

ang siyang may tunay na karunungan:

"Kayong mga kabilang sa lahi ni Juda,

magtipon-tipon kayo

sa lungsod ng Jerusalem at makinig.

10 Masasama kayong mamamayan!

Hindi ko makakalimutan

ang mga kayamanang natipon ninyo

sa masamang paraan.

Gumagamit kayo ng madayang takalan.

Itoʼy gawaing aking kinasusuklaman.

11 Hindi maaaring pabayaan ko na lang kayo

sa mga pandaraya ninyo

sa inyong timbangan.

12 Malulupit ang mayayaman sa inyo,

at mga sinungaling kayo.

13 Kaya sinimulan kong lipulin kayo

bilang parusa

sa inyong mga kasalanan.

14 Kakain kayo,

ngunit hindi kayo mabubusog;

mananatili kayong gutom.

Mag-iimpok kayo,

ngunit walang maiiwan,

sapagkat masisira lamang ito

sa digmaan.

15 Magtatanim kayo,

ngunit hindi ninyo maaani.

Magpipisa kayo ng mga olibo

ngunit hindi ninyo mapapakinabangan

ang langis nito.

Magpipisa kayo ng mga ubas,

ngunit hindi ninyo maiinom

ang katas nito.

16 Mangyayari ito sa inyo

dahil sinunod ninyo

ang masasamang gawa,

mga tuntunin,

at mga payo

ni Haring Omri at ng anak niyang

si Haring Ahab.

Kaya wawasakin ko kayo;

hahamakin kayo

at lalaitin ng ibang mga bansa."

Veja também

Publicidade
Miquéias
Ver todos os capítulos de Miquéias
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-