Publicidade

Miquéias 5

Ang Ipinangakong Pinuno mula sa Betlehem

1 Mga taga-Jerusalem,

ihanda ninyo ang inyong mga kawal,

dahil napapaligiran na kayo

ng mga kalaban.

Hahampasin nila ng tungkod

ang mukha ng pinuno ng Israel.

2 Sinabi ng Panginoon,

"Bethlehem Efrata,

kahit na isa ka sa pinakamaliit

na bayan sa Juda,

manggagaling sa iyo

ang taong maglilingkod sa akin

bilang pinuno ng Israel.

Ang kanyang mga ninuno

ay kilalang-kilala noong

unang panahon."

3 Kaya ang mga mamamayan ng Israel

ay ipapaubaya ng Panginoon

sa kanilang mga kaaway

hanggang sa maisilang

ng babaeng namimilipit sa sakit

ang sanggol na lalaki

na mamumuno sa Israel.

Pagkatapos,

ang mga kababayan ng pinunong ito

na nabihag ng ibang bansa

ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita.

4 Pamamahalaan niya

ang mga mamamayan ng Israel

sa pamamagitan ng lakas

at kapangyarihan ng Panginoon.

Ang katulad niyaʼy isang pastol

na nagbabantay ng kanyang kawan.

Kaya mamumuhay sila nang mapayapa

dahil kikilalanin ng mga tao

sa buong mundo

ang kanyang kadakilaan.

5 Siya ang magdadala ng kapayapaan.

Kapag sinalakay ng Asiria ang ating bansa

at pasukin ang mga muog ng ating lungsod,

ihaharap natin sa kanila

ang ating mga malalakas na pinuno.

6 Tatalunin nila

at pamumunuan ang Asiria,

ang lupain ni Nimrod,

sa pamamagitan ng kanilang mga tabak.

Kaya ililigtas nila tayo

kapag sinalakay ng mga taga-Asiria

ang ating bansa.

7 Ang mga natitirang Israelita

ay magiging pagpapala sa maraming bansa.

Magiging tulad sila ng hamog at ulan

na ibinibigay ng Panginoon

upang tumubo ang mga tanim.

Magtitiwala sila sa Diyos at hindi sa tao.

8 Ngunit magdadala rin sila

ng kapahamakan sa mga bansa.

Magiging tulad sila ng leon

na matapang sumalakay

sa mga hayop sa kagubatan

at sa kawan ng mga tupa sa pastulan.

Kapag sumalakay ang leon,

nilulundagan nito ang kanyang biktima

at nilalapa,

at hindi ito makakaligtas sa kanya.

9 Magtatagumpay ang mga Israelita

laban sa kanilang mga kalaban.

Lilipulin nila silang lahat.

10 Sinabi ng Panginoon,

"Sa mga araw na iyon,

ipapapatay ko ang inyong mga kabayo

at sisirain ko ang inyong mga karwahe.

11 Gigibain ko ang inyong mga lungsod

pati na ang mga napapaderang lungsod.

12 Sisirain ko ang inyong mga anting-anting

at maglalaho ang inyong mga mangkukulam.

13 Hindi na kayo sasamba sa mga imahen

at sa mga alaalang bato na inyong ginawa,

dahil wawasakin ko ang mga ito.

14 Sisirain ko rin

ang inyong mga imahen

ng diyosang si Ashera.

At wawasakin ko ang inyong mga lungsod.

15 Sa aking matinding galit,

maghihiganti ako sa mga bansang

sumuway sa akin."

Veja também

Publicidade
Miquéias
Ver todos os capítulos de Miquéias
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-