Lumutang sa Tubig ang Ulo ng Palakol
1 Isang araw, pumunta ang grupo ng mga propeta kay Eliseo at sinabi, "Nakikita po ninyo na maliit ang pinagtitipunan natin. 2 Kaya pumunta po tayo sa Ilog Jordan kung saan maraming punongkahoy, at doon tayo gumawa ng lugar na pagtitipunan natin."
Sinabi ni Eliseo, "Sige, lumakad na kayo."
3 Ngunit sinabi ng isa sa kanila, "Makabubuti po sana kung sasáma po kayo sa amin."
Sumagot siya, "O sige, sasáma ako." 4 Kaya sumáma siya sa kanila.
Pumunta nga sila sa Ilog Jordan at pumutol ng mga punongkahoy. 5 Habang ang isa sa kanila ay pumuputol ng punongkahoy, nahulog ang ulo ng palakol niya sa tubig, kaya sumigaw siya, "Guro, hiniram ko lang po ʼyon!"
6 Nagtanong ang lingkod ng Diyos na si Eliseo, "Saang banda nahulog?" Itinuro ng lalaki kung saang banda ito nahulog, at si Eliseo ay pumutol ng sanga at inihagis ito sa tubig. At lumutang ang ulo ng palakol. 7 Sinabi ni Eliseo, "Kunin mo na." At kinuha nga niya ito.