Publicidade

Apocalipse 13

Ang Halimaw mula sa Dagat

1 Pagkatapos, may nakita akong halimaw na umaahon sa dagat. Pito ang ulo nito at sampu ang sungay. Bawat sungay nito ay may korona, at sa bawat ulo naman ay may nakasulat na pangalang lumalapastangan sa Diyos. 2 Ang halimaw ay parang leopardo, at may mga paang katulad ng sa oso. Ang bibig niya ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan at trono upang maging malawak ang kapangyarihan nito. 3 Nakita kong ang isa sa mga ulo ng halimaw ay nasugatan nang lubha, ngunit gumaling na ang nakamamatay na sugat nito. Kaya humanga sa halimaw ang mga tao sa buong mundo at naging alagad sila nito. 4 Sinamba nila ang dragon dahil siya ang nagbigay ng kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw, at sinabi, "Wala nang makakatulad sa halimaw! Walang makakalaban sa kanya!"

5 Hinayaang magsalita ang halimaw ng kalapastanganan at maghari sa loob ng apatnapuʼt dalawang buwan. 6 Nagsalita siya ng kalapastanganan laban sa Diyos; laban sa pangalan ng Diyos, sa kanyang tahanan, at sa lahat ng nakatira sa langit. 7 Pinahintulutan ang halimaw na makipaglaban sa mga hinirang ng Diyos at talunin sila. Binigyan din siya ng karapatang maghari sa bawat angkan, lahi, wika at bansa. 8 Sasambahin siya ng lahat ng tao sa mundo na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay. Bago pa man likhain ang mundo, ang mga pangalan nila ay hindi nakasulat sa aklat na ito na hawak ng Korderong pinatay.

9 Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang mga bagay na ito.

10 "Ang sinumang itinakdang bihagin ay magiging bihag.

At ang sinumang itinakdang mamatay sa espada

ay mamamatay sa espada."

Kaya ang mga hinirang ng Diyos ay kailangang maging matiisin at matatag sa kanilang pananampalataya.

Ang Halimaw mula sa Lupa

11 Pagkatapos, nakita ko ang isa pang halimaw na lumalabas mula sa lupa. Ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa tupa, ngunit parang dragon kung magsalita. 12 Pinagsilbihan niya ang unang halimaw at ginamit ang lahat ng kapangyarihan nito. Pinipilit niya ang lahat ng tao sa lupa na sumamba sa unang halimaw na gumaling mula sa nakamamatay na sugat nito. 13 Gumawa ng mga kamangha-manghang tanda ang pangalawang halimaw tulad ng pagpapaulan ng apoy mula sa langit patungo sa lupa, upang ipakita sa mga tao ang kanyang kapangyarihan. 14 At dahil sa mga himalang ipinagawa sa kanya ng unang halimaw, nalinlang niya ang mga tao sa mundo. Inutusan niya ang mga tao na gumawa ng imahen ng unang halimaw na malubhang nasugatan ng espada ngunit nabuhay pa. 15 Hinayaan ng Diyos ang pangalawang halimaw na magbigay ng buhay sa imahen ng unang halimaw. Kaya nakapagsalita ang imahen at nakapag-utos na patayin ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Pinilit ng pangalawang halimaw ang lahat ng tao, dakila o hindi, mayaman o mahirap, alipin o malaya, na magpatatak sa kanang kamay o sa noo. 17 At ang sinumang ayaw magpatatak ng pangalan o numero ng unang halimaw ay hindi maaaring bumili o magbenta.

18 Kailangan dito ang talino upang maunawaan ang kahulugan ng numero ng unang halimaw, dahil sagisag ito ng pangalan ng tao. At ang numero ay 666.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-