Publicidade

Apocalipse 5

Ang Kasulatan at ang Kordero

1 Pagkatapos nito, nakita ko ang nakarolyong kasulatan na hawak-hawak ng nakaupo sa trono sa kanang kamay niya. May nakasulat sa magkabilang bahagi nito, at may pitong selyo upang hindi mabuksan. 2 At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na sumisigaw, "Sino ang karapat-dapat na magtanggal ng mga selyo at nang mabuksan ang kasulatang ito?" 3 Ngunit walang isa man sa langit, sa lupa o sa ilalim ng lupa na makapagbukas ng kasulatan upang mabasa ang nakasulat doon. 4 Umiyak ako nang labis sapagkat walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at bumasa ng kasulatang iyon. 5 At sinabi sa akin ng isa sa mga pinuno, "Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang Supling ni David ay nagtagumpay at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo at buksan ang kasulatan."

6 Pagkatapos, nakita ko ang isang Korderong mukhang pinatay, na nakatayo sa pagitan ng mga pinuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buháy na nilalang. Mayroon itong pitong sungay at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Diyos na isinugo sa lahat ng lugar sa mundo. 7 Lumapit ang Kordero sa trono at kinuha niya ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo roon. 8 Nang kunin niya iyon, nagpatirapa ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampuʼt apat na pinuno sa harap ng Kordero. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na alpa at gintong sisidlang puno ng insenso, na siyang panalangin ng mga hinirang ng Diyos. 9 At umawit sila ng bagong awit na ito:

"Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan

at magtanggal ng mga selyo nito,

sapagkat kayo ay pinatay,

at sa pamamagitan ng inyong dugo

ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Diyos.

Ang mga taong nagmula

sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.

10 Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari

upang maglingkod sa ating Diyos.

At maghahari sila sa mundo."

11 Nakita ko at narinig ang tinig ng napakarami at libo-libong mga anghel na nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa dalawampuʼt apat na pinuno. 12 Umaawit silang may malakas na tinig:

"Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat

tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan,

kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan!"

13 At narinig ko ang bawat nilalang sa langit, sa lupa, sa ilalim ng lupa, at sa dagat na umaawit:

"Ibigay sa nakaupo sa trono

at sa Kordero ang kapurihan, kaluwalhatian, karangalan

at kapangyarihan, magpakailanman!"

14 Sumagot ang apat na buháy na nilalang, "Amen!" At nagpatirapa ang mga pinuno at sumamba.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-