Publicidade

Apocalipse 18

Ang Panaghoy para sa Bumagsak na Babilonia

1 Pagkatapos nito, nakita ko ang isa pang anghel na bumabâ mula sa langit. Makapangyarihan ang anghel na ito at nagliwanag ang buong mundo dahil sa kanyang kaningningan. 2 Sumigaw siya nang malakas,

"Bumagsak na!

Bumagsak na ang Dakilang Babilonia!

Ito ngayoʼy lungga na lamang

ng mga demonyo at masasamang espiritu.

Ito ngayoʼy kulungan na lamang

ng mga ibong marurumi

at mga hayop na marurumi at kasuklam-suklam.

3 Sapagkat ang mga bansaʼy uminom

ng alak ng kanyang kahalayan.

Ang mga hari sa mundoʼy nakiapid sa kanya.

At ang mga mangangalakal namaʼy yumaman

sa marangya niyang pamumuhay."

Ang Babala sa Pagtakas sa Hatol para sa Babilonia

4 Pagkatapos, may narinig akong isa pang tinig mula sa langit na nagsasabi,

"Kayong mga mamamayan ko,

lumayo kayo sa kanya

upang hindi kayo maging bahagi

sa ginagawa niyang kasalanan,

at upang hindi ninyo danasin

ang parusang nakalaan sa kanya.

5 Ang bunton ng kanyang kasalanan

ay abot hanggang langit.

At hindi na palalagpasin ng Diyos

ang kanyang kasamaan.

6 Gawin ninyo sa kanya

ang ginawa niyang masama sa inyo.

Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.

Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo

doblehin ninyo at ibigay sa kanya.

7 Kung paanong pinarangalan niya ang kanyang sarili

at namuhay sa karangyaan at kalayawan,

gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan.

Sa kanyang puso ay inisip niya,

‘Akoʼy reyna at hindi biyuda,

at hindi ako magluluksa.’

8 Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya

sa loob lang ng isang araw ang mga salot:

mga sakit, pighati, at gutom.

Pagkatapos, susunugin siya,

sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos

na nagpaparusa sa kanya.

Tatlong Ulit na Dalamhati sa Pagbagsak ng Babilonia

9 "Iiyakan at magdadalamhati ang mga hari sa mundo na nakipagrelasyon sa kanya at nakisama sa kalayawan niya kapag nakita nila ang usok ng kanyang pagkasunog. 10 Tatayo lang sila sa malayo habang magmamasid sapagkat takot silang madamay sa parusa ng lungsod na iyon. Sasabihin nila,

‘Kahabag-habag! Kahabag-habag ang dakilang lungsod,

ang makapangyarihang lungsod ng Babilonia.

Ang iyong kapahamakaʼy darating

sa loob lamang ng maikling panahon.’

11 "Iiyak at magdadalamhati sa kanya ang mga negosyante sa buong mundo dahil wala nang bibili ng mga paninda nila, 12 mga panindang ginto, pilak, mamahaling bato, at perlas; mga telang gawa sa pinong lino at seda, at mga telang kulay ube at pula; lahat ng uri ng mababangong kahoy, at mga ibaʼt ibang kagamitang gawa sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal at marmol. 13 Wala na ring bibili ng kanilang mga pabango tulad ng sinamon, pampalasa, kamangyan, at mira; mga alak at langis, harina at trigo; mga baka at tupa, kabayo at karwahe; at mga taong ipinagbibili bilang alipin.

14 "Sasabihin ng mga negosyante, ‘Nawala na ang lahat ng bagay na hinangad mo na maangkin. Kinuha na sa iyo ang lahat ng kayamanan at ari-ariang ipinagmamalaki mo, at hindi mo na makikitang muli ang mga ito!’ 15 Ang mga negosyanteng yumaman dahil sa kalakal nila sa lungsod ay tatayo lang sa malayo dahil takot silang madamay sa parusa sa kanya. Iiyak sila at magdadalamhati, 16 at sasabihin nila,

‘Kahabag-habag! Kahabag-habag ang dakilang lungsod!

Dinamitan ka ng telang gawa sa pinong lino,

at mga telang kulay ube at pula,

at napalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas!

17 Ngunit sa loob lamang ng maikling panahon,

nawala ang lahat ng kanyang kayamanan!’ 

"Tatayo lang at magmamasid ang mga kapitan ng barko at ang mga tripulante nila, pati na ang mga pasahero at ang lahat ng mga naghahanapbuhay sa dagat. 18 At habang minamasdan nila ang usok ng nasusunog na lungsod, sisigaw sila, ‘Walang katulad ang sikat na lungsod na iyan!’ 19 At lalagyan nila ng alikabok ang ulo nila habang umiiyak at nagluluksa. Sasabihin nila,

‘Kahabag-habag! Kahabag-habag ka dakilang lungsod.

Sapagkat ikaw ang nagpayaman

sa mga may-ari ng barkong naglalayag doon.

Ngunit sa loob lamang ng maikling panahon,

naranasan mo ang kapahamakan!’ 

20 "Kaya kayong lahat ng nasa langit,

magalak kayo

dahil sa nangyari sa lungsod na iyon.

Magalak kayo, kayong mga propeta,

mga apostol at mga hinirang ng Diyos,

sapagkat hinatulan na siya ng Diyos

sa mga ginawa niya sa inyo!"

Ang Kaganapan ng Pagwawakas ng Babilonia

21 Pagkatapos, may isang makapangyarihang anghel na kumuha ng isang batong kasinlaki ng malaking gilingan at inihagis sa dagat. Sinabi niya,

"Dahil sa karahasan,

bumagsak ang dakilang lungsod ng Babilonia,

at hindi na siya makikitang muli.

22 Hindi na mapapakinggan ang mga tugtuging

mula sa alpa, plauta at trumpeta,

at ang tinig ng mga mang-aawit.

Hindi na matatagpuan doon

ang mahusay na mga manggagawa

ng anumang uri ng gawain,

at hindi na rin maririnig

ang ingay ng mga gilingan.

23 Hindi na magniningas para sa iyo,

ang ilaw ng lampara.

Ang masayang tinig ng bagong kasal

ay hindi na mapapakinggan.

Sa unaʼy mataas ang turing

sa iyo ng mga mangangalakal sa mundo.

Sapagkat sa iyong salamangka

naligaw ng landas ang lahat.

24 Sa lungsod na iyon

dumanak ang dugo ng mga propeta

at ng mga hinirang ng Diyos,

pati ng mga taong pinaslang sa buong mundo."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-