Ang Kordero at ang 144,000
1 Pagkatapos, nakita ko ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion. Kasama niya ang 144,000 tao. Nakasulat sa noo nila ang pangalan ng Kordero at ng kanyang Ama. 2 Nakarinig ako ng tunog mula sa langit, na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. Para itong tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. 3 Ang 144,000 tao ay umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng matatandang pinuno. Walang sinumang matututo ng awit na iyon maliban sa 144,000 na tinubos mula sa mundo. 4 Sila ang mga lalaking hindi nadumihan dahil hindi sila sumiping sa mga babae. Sumunod sila sa Kordero kahit saan siya pumunta. Tinubos sila mula sa sangkatauhan upang maging unang handog sa Diyos at sa Kordero. 5 Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.