Publicidade

Deuteronômio 14

Malinis at Maruming Pagkain

1 Mga anak kayo ng Panginoon na inyong Diyos. Kaya kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong susugatan ang mga sarili ninyo o aahitan ang mga ulo ninyo. 2 Sapagkat mga mamamayan nga kayo ng Panginoon na inyong Diyos. Sa lahat ng tao sa mundo, kayo ang kanyang pinili na maging espesyal niyang mga mamamayan.

3 Huwag kayong kakain ng anumang hayop na itinuturing na kasuklam-suklam. 4 Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: baka, tupa, kambing, 5 usa, mailap na kambing, mailap na tupa at iba pang uri ng usa. 6 Maaari ninyong kainin ang anumang hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng kanilang kinain. 7 Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito ngunit hindi biyak ang kuko, gaya ng kamelyo, kuneho at daga sa batuhan. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. 8 Huwag din ninyong kakainin ang baboy, dahil kahit biyak ang kuko nito, hindi naman nginunguya ang kinakain nito. Ito ay marumi. Huwag ninyong kakainin ang mga hayop na ito o hahawakan ang kanilang patay na katawan.

9 Maaari ninyong kainin ang anumang hayop na nabubuhay sa tubig na may palikpik at kaliskis. 10 Ngunit huwag ninyong kainin ang walang palikpik at kaliskis. Ituring ninyo itong marumi.

11 Maaari ninyong kainin ang anumang klase ng ibon na itinuturing na malinis. 12-18 Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga ibon katulad ng agila, uwak, buwitre, mga uri ng lawin, kuwago, ibong maninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.

19 Huwag din ninyong kakainin ang mga kulisap na may pakpak na gumagapang. Marumi ang mga ito. 20 Ngunit maaari ninyong kainin ang mga kulisap na itinuturing na malinis.

21 Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na patay na. Maaari ninyo itong ipagbili sa mga dayuhan o ibigay sa mga dayuhang naninirahang sa bayan nʼyo, at kakainin nila ito. Ngunit huwag kayong kakain nito dahil ibinukod kayo bilang mamamayan ng Panginoon na inyong Diyos.

Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.

Ang Ikapu

22 Dapat ninyong ibukod ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ng inyong bukid bawat taon. 23 Dalhin ninyo ang ikasampung bahagi ng trigo, bagong alak at langis, at ang panganay ng inyong mga hayop sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Diyos kung saan pararangalan siya. Doon ninyo ito dalhin sa kanyang presensya. Gawin ninyo ito para matuto kayo na laging gumalang sa Panginoon na inyong Diyos. 24 Ngunit kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon, at mahihirapan kayo sa pagdadala ng ikasampung bahagi ng mga pagpapala ng Panginoon na inyong Diyos, 25 ipagpalit ninyo ang ikasampung bahagi ninyo sa pilak at dalhin ninyo ito roon sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Diyos. 26 Pagkatapos, ang pilak na iyon ang ipambili ninyo ng baka, tupa, alak o ng iba pang inumin, o ng anumang magustuhan ninyo. Pagkatapos, kainin ninyo ito ng inyong pamilya sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos at magsaya. 27 At huwag ninyong kalilimutan ang mga Levita na naninirahan sa bayan ninyo, dahil wala silang bahagi o lupang minana.

28 Sa pagtatapos ng bawat tatlong taon, tipunin ninyo ang ikasampung bahagi inyong ng ani sa taong iyon, at dalhin ninyo ito sa pinagtataguan nito sa mga bayan ninyo. 29 Ibigay ninyo ito sa mga Levita na walang minanang lupa, sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo, sa mga ulila at sa mga biyuda sa bayan ninyo upang makakain din sila at mabusog. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Diyos sa lahat ng ginagawa ninyo.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-