Publicidade

Deuteronômio 16

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel

1 Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa buwan ng Abib bilang pagpaparangal sa Panginoon na inyong Diyos, dahil sa buwan na itoʼy inilabas niya kayo nang gabi sa Ehipto. 2 Maghandog kayo ng tupa o baka bilang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ihandog ninyo ito para sa Panginoon na inyong Diyos doon sa lugar na pinili niya, kung saan pararangalan siya. 3 Kainin ninyo ito kasama ng tinapay na walang pampaalsa. Sa loob ng pitong araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa gaya ng ginawa ninyo noong nagmamadali kayong umalis sa Ehipto. Kainin ninyo ang tinapay na ito, ang simbolo ng inyong pagtitiis, para maalala ninyo sa buong buhay ninyo ang panahon na lumabas kayo sa Ehipto. 4 Wala dapat makitang pampaalsa sa mga bahay ninyo sa buong lupain sa loob ng pitong araw. At ang karneng inihandog nang gabi ng unang araw ay walang matitira sa kinaumagahan.

5 Huwag ninyong ihahandog sa kahit saan mang bayan na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos ang hayop na ihahandog ninyo bilang pagdiriwang sa Pista ng Paglampas, 6 kundi sa lugar lamang na pipiliin ng Panginoon kung saan pararangalan siya. Kailangang ihandog ninyo ito sa paglubog ng araw ng Pista ng Paglampas ng Anghel, ang oras na umalis kayo sa Ehipto. 7 Lutuin ninyo ito at kainin sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Diyos. Pagkaumaga, bumalik kayo sa inyong mga tolda. 8 Sa susunod na anim na araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw, huwag kayong magtrabaho kundi magtipon kayo para sumamba sa Panginoon na inyong Diyos.

Ang Pista ng Pag-aani

9 Bumilang kayo ng pitong linggo mula sa umpisa ng tag-ani. 10 Pagkatapos, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani upang parangalan ang Panginoon na inyong Diyos sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog na kusang-loob ayon sa mga pagpapala na natanggap ninyo mula sa Panginoon na inyong Diyos. 11 At magsaya kayo sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos sa lugar na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Magdiwang kayo kasama ang inyong mga anak, alipin at Levita na naninirahan sa inyong mga bayan, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa inyong mga bayan. 12 Alalahanin ninyo na naging mga alipin muna kayo sa Ehipto, kaya sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ito.

Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol

13 Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol sa loob ng pitong araw sa katapusan ng tag-ani, pagkatapos na magiik ninyo ang mga trigo at mapiga ang mga ubas. 14 Magsaya kayo sa pagdiriwang ninyo ng pistang ito kasama ng inyong mga anak, mga alipin, mga Levita, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa bayan ninyo. 15 Sa loob ng pitong araw, ipagdiwang ninyo ang Pistang ito para parangalan ang Panginoon na inyong Diyos doon sa lugar na pinili niya. Sapagkat pagpapalain ng Panginoon na inyong Diyos ang lahat ng ani ninyo at ang lahat ng ginagawa ninyo, at magiging lubos ang inyong kaligayahan.

16 Bawat taon, dapat makiisa ang bawat lalaki sa tatlong pistang ito: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Pupunta ang bawat isa sa kanila sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos sa lugar na pipiliin niya, 17 at nararapat na magdala sila ng handog sa Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Diyos.

Ang mga Hukom

18 Magtalaga kayo ng mga hukom at opisyal sa bawat lahi ninyo sa lahat ng bayan na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos. Sila ang maghuhukom sa mga mamamayan nang walang pinapanigan. 19 Huwag nilang babaluktutin ang hustisya at dapat wala silang pinapaboran sa paghuhukom. Huwag silang tatanggap ng suhol dahil makakabulag ito sa marurunong at matutuwid, at makakaimpluwensya sa desisyon nila. 20 Dapat mangibabaw ang tamang hustisya upang mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos.

Ang Pagsamba sa Ibang mga Diyos-diyosan

21 Huwag kayong magpapatayo ng poste na simbolo ng diyosang si Ashera sa tabi ng altar na ginawa ninyo para sa Panginoon na inyong Diyos, 22 at huwag kayong magpapatayo ng mga alaalang bato para sambahin, dahil kinasusuklaman ito ng Panginoon na inyong Diyos.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-