Publicidade

Deuteronômio 32

1 Pakinggan mo, O langit, ang aking sasabihin!

Pakinggan mo ang mga salitang aking sasambitin.

2 Ang mga katuruan koʼy papatak gaya ng ulan

at bababa tulad ng hamog sa damuhan,

tulad ng buhos ng ulan sa mga pananim,

parang saganang ulan sa mga halaman.

3 Ipapahayag ko ang pangalan ng Panginoon,

Purihin ang kadakilaan ng ating Diyos.

4 Siya ang Batong Kanlungan,

mga gawa niya ay walang kamalian,

Siyaʼy Diyos na matapat,

matuwid kanyang daan, at makatarungan.

5 Ngunit ang ginagawa nilaʼy laban sa kanya.

Silaʼy hindi na niya anak.

Wala silang kahihiyan

at silaʼy isang baluktot

at suwail na henerasyon.

6 Sa ganitong paraan ba ninyo gagantihan ang Panginoon,

kayong mga mangmang at hangal na mga tao?

Hindi baʼt siya ang inyong Ama

na lumalang sa inyo?

Siya ang lumikha at humubog sa inyo.

7 Alalahanin ninyo ang mga araw na lumipas;

isipin ang mga nagdaang henerasyon.

Tanungin ninyo ang inyong mga magulang at mga matatanda,

at sasabihin nila ito sa inyo.

8 Nang binigyan ng Kataas-taasang Diyos

ang mga bansa ng lupain nila

at nang pinagbukod-bukod niya ang sangkatauhan,

nilagyan niya sila ng hangganan

ayon sa dami ng mga anghel ng Diyos.

9 Pinili rin ng Panginoon ang lahi ni Jacob

bilang mamamayan niyang inangkin.

10 Nakita niya sila sa disyerto,

kung saan halos walang tumutubong pananim.

Binabantayan niya sila at iniingatan

katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata.

11 Binantayan niya sila

gaya ng pagbabantay ng agila

sa kanyang mga inakay

habang tinuturuan niya itong lumipad.

Ibinubuka niya ang kanyang mga pakpak

para saluhin at buhatin sila.

12 Ang Panginoon lamang

ang gumagabay sa kanyang mga mamamayan,

walang tulong mula sa ibang mga diyos.

13 Sila ang pinamahala niya sa mga kabundukan,

at pinakain ng mga ani ng lupa.

Inalagaan niya sila

sa pamamagitan ng pulot mula sa batuhan

at ng langis ng olibo mula sa mabatong lupa.

14 Binigyan niya sila ng keso at gatas

ng mga baka at kambing,

at binigyan ng matatabang tupa

at kambing mula sa Bashan.

Binigyan din niya sila ng pinakamainam na trigo

at pinainom ng alak.

15 Naging maunlad ang mga Israelita; ang ibig sabihin, mga matuwid.

subalit nagrebelde sila.

Tumaba sila at lumakas,

ngunit tinalikuran nila ang Diyos

na lumikha sa kanila,

at sinuway nila ang Batong kanlungan

na kanilang Tagapagligtas.

16 Pinagselos nila at ginalit ang Panginoon

dahil sa kanilang pagsamba sa mga diyos na kasuklam-suklam.

17 Naghandog sila sa mga demonyo na hindi tunay na Diyos,

mga diyos na hindi nila kilala

at kailan lamang lumitaw,

at hindi iginalang ng kanilang mga ninuno.

18 Kinalimutan nila ang Diyos na Batong kanlungan

at lumikha sa kanila.

19 Nakita ito ng Panginoon,

at dahil sa kanyang galit,

itinakwil niya sila na kanyang mga anak.

20 "Tatalikuran ko sila," sabi ng Panginoon,

"at titingnan ko kung ano ang kanilang kahihinatnan,

sapagkat silaʼy masamang henerasyon,

mga anak na hindi matapat.

21 Pinagselos nila ako

sa mga hindi tunay na diyos,

at ginalit nila ako

sa kanilang walang kuwentang mga diyos-diyosan.

Kaya pagseselosin ko rin sila

sa pamamagitan ng pagpapala ko

sa ibang mga lahi.

Gagalitin ko sila

sa pamamagitan ng pagpapala ko

sa mga mangmang na bansa."

22 Naglalagablab na parang apoy ang aking galit;

susunugin nito ang lupa

at ang lahat ng naroon,

pati ang kailaliman ng lupa,

at ang pundasyon ng mga bundok.

23 "Tatambakan ko sila ng mga kalamidad,

at tatamaan sila ng aking mga pana.

24 Gugutumin ko sila;

at mamamatay sila sa gutom at karamdaman.

Padadalhan ko sila ng mababangis na hayop

upang silaʼy salakayin

at mga ahas upang silaʼy tuklawin.

25 Sa labas ng kanilang bahay,

marami ang mamamatay sa labanan,

at sa loob nitoʼy maghahari ang takot.

Mamamatay ang lahat,

maging ang mga kabataan,

matatanda at mga bata.

26 Sinabi ko na ikakalat ko sila

hanggang sa hindi na sila maalala sa mundo.

27 Ngunit hindi ko papayagang magyabang

ang kanilang mga kaaway.

Baka sabihin nila, ‘Natalo natin sila.

Hindi ang Panginoon ang gumawa nito.’ "

28 Ang Israel ay isang bansa

na walang alam at pang-unawa.

29 Kung matalino lang sila,

mauunawaan sana nila ang kanilang kahihinatnan.

30 Paano ba mahahabol ng isang tao

ang isang libong Israelita?

Paano matatalo ng dalawang tao

ang sampung libo sa kanila?

Mangyayari lamang ito

kung ibinigay sila ng Panginoon na kanilang Batong kanlungan.

31 Sapagkat ang Batong kanlungan

ng ating mga kaaway

ay hindi katulad ng ating batong kanlungan;

at kahit silaʼy nakababatid nito.

32 Kasinsama ng mga naninirahan

sa Sodoma at Gomora ang ating mga kaaway,

katulad ng kumpol ng ubas

na mapait at nakakalason ang bunga,

33 at katulad ng alak na gawa sa kamandag ng ahas.

34 Nababatid ng Panginoon

ang kanilang ginagawa,

iniipon niya muna ito

at naghihintay ng tamang panahon upang parusahan sila.

35 Sabi niya, "Ako ang maghihiganti

at magpaparusa sa kanila,

sapagkat darating ang panahong madudulas sila.

Malapit nang dumating

ang panahon ng kanilang pagbagsak."

36 Ipagtatanggol ng Panginoon

ang kanyang mga mamamayan;

kaaawaan niya ang kanyang mga lingkod,

kapag nakita niyang wala na silang lakas

at kakaunti na lang ang natira sa kanila, alipin man o hindi.

37 At pagkatapos ay magtatanong ang Panginoon sa kanyang mamamayan,

"Nasaan na ngayon ang inyong mga diyos,

ang batong kanlungan ninyo?

38 Nasaan na ngayon ang inyong mga diyos

na kumakain ng taba

at umiinom ng alak na inyong handog?

Magpatulong kayo sa kanila,

at gawin ninyo silang kublihan!

39 "Tingnan ninyo ngayon;

ako lang ang Diyos!

Wala nang iba pang diyos maliban sa akin.

Ako ang pumapatay

at ako ang nagbibigay-buhay;

ako ang sumusugat at nagpapagaling,

at walang makatatakas

sa aking mga kamay.

40 Ngayon, itataas ko

ang aking mga kamay at manunumpa:

Ako na nabubuhay magpakailanman,

41 hahasain ko ang aking espada

at gagamitin ko ito sa aking pagpaparusa.

Gagantihan ko ang aking mga kaaway

at pagbabayarin ang mga napopoot sa akin.

42 Dadanak ang kanilang dugo sa aking pana,

at ang aking espada ang papatay sa kanilang mga katawan.

Mamamatay sila pati na ang sugatan at mga bilanggo.

Mamamatay pati ang kanilang mga pinuno."

43 Mga bansa, purihin ninyo

ang mga mamamayan ng Panginoon.: O mangagalak kayo kasama ng mga mamamayan ng Panginoon. Sa Dead Sea Scrolls at sa tekstong Griyego, Mangagalak kayong kasama niya, O langit, at lahat ng mga anghel ng Diyos ay dapat sambahin siya.

Sapagkat maghihiganti ang Panginoon

sa mga pumatay sa kanyang mga lingkod.

Gaganti siya sa kanyang mga kaaway,

at lilinisin niya ang kanyang lupain

at ang kanyang mamamayan.

44 Ito nga ang inawit ni Moises kasama si Josue sa harapan ng mga Israelita. 45,46 Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi ni Moises sa buong Israel, "Itanim ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng sinasabi ko sa inyo sa araw na ito. Ituro rin ninyo ito sa inyong mga anak para matupad nilang mabuti ang lahat ng sinasabi sa mga utos na ito. 47 Hindi lang karaniwang salita ang mga utos na ito; magbibigay ito sa inyo ng buhay. Kung susundin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupain na aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan."

Ipinaalam ang Kamatayan ni Moises

48 Nang araw ding iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, 49 "Pumunta ka sa Moab, sa kabundukan ng Abarim, at umakyat ka sa bundok ng Nebo na nakaharap sa Jerico. Tanawin mo roon ang Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita na kanilang aangkinin. 50 Sapagkat sa bundok na iyan ka mamamatay at isasama na sa iyong mga kamag-anak na sumakabilang buhay na, gaya ni Aaron na iyong kapatid nang mamatay siya sa Bundok ng Hor at isinama na rin sa mga kamag-anak niya na sumakabilang buhay na. 51 Sapagkat dalawa kayong nawalan ng pagtitiwala sa akin sa harap ng mga Israelita nang naroon kayo sa tubig ng Meriba sa Kades, sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinarangalan ang aking kabanalan sa kanilang harapan. 52 Kaya makikita mo lang sa malayo ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita, ngunit hindi ka makakapasok doon."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-