Mahalin ang Panginoon na inyong Diyos
1 Ito ang mga utos, katuruan at tuntunin na iniutos ng Panginoon na inyong Diyos sa akin na ituro sa inyo. Sundin ninyo ito sa lupaing inyong sasakupin doon sa kabila ng Jordan, 2 upang kayo pati ang mga anak at mga apo ninyo ay magkaroon ng takot sa Panginoon na inyong Diyos habang nabubuhay kayo. Kung susundin ninyo ang lahat ng utos niya at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, mabubuhay kayo nang matagal. 3 Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel, at sundin ninyo ang kanyang mga utos para maging mabuti ang inyong kalagayan at upang lalo pa kayong dumami sa lupaing masagana sa gatas at pulot ayon sa ipinangako ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
4 Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel: Ang Panginoon na ating Diyos ay iisang Panginoon lang.6:4 Ang Panginoon na ating Diyos ay iisang Panginoon lang: O Ang Panginoon na ating Diyos, siya lang ang Panginoon. 5 Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buo ninyong lakas. 6 Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon. 7 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayoʼy nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad, kapag nakahiga, at kapag babangon kayo. 8 Itali ninyo ito sa inyong mga braso o ilagay sa inyong mga noo bilang paalala sa inyo. 9 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong bahay at sa bukana ng pintuan ng inyong mga lungsod.