Publicidade

Ezequiel 2

Tinawag si Ezekiel na Maging Propeta

1 Sinabi sa akin ng tinig, "Anak ng tao, tumayo ka dahil may sasabihin ako sa iyo." 2 Habang kinakausap ako ng tinig, pinuspos ako ng kapangyarihan ng Espiritu at itinayo ako. Pinakinggan ko ang tinig na kumakausap sa akin. 3 Sinabi niya, "Anak ng tao, isusugo kita sa mga mamamayan ng Israel, ang rebeldeng bansa. Mula pa noong panahon ng kanilang mga ninuno hanggang ngayon ay nagrerebelde sila sa akin. 4 Matitigas ang ulo nila at mga lapastangan sila. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsusugo sa iyo sa mga taong ito para sabihin ang ipinasasabi ko sa kanila. 5 Makinig man ang mga rebeldeng ito o hindi, malalaman naman nila na may propeta pala sa kanila. 6 At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila o sa anumang sasabihin nila. Huwag kang matakot kahit na para silang mga halamang matitinik at mga alakdang nakapalibot saʼyo. Huwag mong katakutan ang kanilang salita at huwag kang kilabutan sa mababagsik nilang mukha, sapagkat silaʼy mga rebeldeng mamamayan. 7 Dapat mong sabihin sa kanila ang ipinasasabi ko sa iyo, makinig man ang mga rebeldeng ito o hindi.

8 "Ngunit ikaw, anak ng tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang magiging rebelde tulad nila. Ibuka mo ang bibig mo at kainin ang ibibigay ko sa iyo." 9 At nakita ko ang isang kamay na nag-aabot sa akin ng isang nakarolyong kasulatan. 10 Iniladlad niya ito sa aking harapan at may mga salitang nakasulat sa harap at sa likod nito. Ang nakasulat ay malulungkot na mensahe, mga panaghoy at pagdadalamhati.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-