1 Sinabi sa akin ng Panginoon: 2 "Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabi:
‘Sa iyong pagmamataas ay iyong sinasabi
na isa kang diyos
na nakaupo sa trono
sa gitna ng karagatan.
Ngunit ang totoo,
kahit na ang tingin mo sa iyong sarili
ay marunong katulad ng isang diyos,
tao ka lang at hindi diyos.
3 Iniisip mong mas marunong ka pa
kaysa kay Daniel
at walang lihim
na hindi mo nalalaman.
4 Sa pamamagitan ng iyong karunungan
at pang-unawa ay yumaman ka,
at nakapag-imbak
ng mga ginto at pilak
sa iyong kaban ng kayamanan.
5 Dahil mahusay ka sa pangangalakal,
lalo pang nadagdagan
ang iyong kayamanan
at dahil ditoʼy naging mapagmataas ka.
6 " ‘Kaya sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon:
Dahil ang tingin mo sa sarili
ay matalino tulad ng diyos,
7 ipapalusob kita sa mga dayuhan,
sa pinakamalulupit na bansa.
Lalabanan ka nila at sisirain
ang iyong ganda at karunungan.
At mawawala ang karangalan mo.
8 Masaklap ang magiging kamatayan mo,
at ihahagis ka nila sa kailaliman
ng karagatan.
9 Masasabi mo pa kayang isa kang diyos,
sa harap ng mga papatay sa iyo?
Para sa kanila,
ikaw ay tao lang at hindi diyos.
10 Kaya mamamatay ka tulad ng pagkamatay
ng mga taong hindi tuli,
sa kamay ng mga dayuhan.
Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ "
11 May sinabi pa ang Panginoon sa akin, 12 "Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tiro. Sabihin mo sa kanya: ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon:
Noon, larawan ka ng isang walang kapintasan,
puspos ng kaalaman at kagandahan.
13 Nasa Eden ka pa noon,
sa halamanan ng Diyos.
Napapalamutian ka
ng ibaʼt ibang mamahaling bato
gaya ng rubi, topaz, esmeralda,
krisolito, onise, haspe, safiro,
turkois at beril.
Napapalamutian ka rin ng ginto
na inihanda para sa iyo
noong araw ng iyong kapanganakan.
14 Hinirang kita bilang kerubin
na magbabantay sa banal
na bundok ng Diyos.
Lumalakad ka sa gitna
ng nagniningning na mga bato.
15 Walang maipipintas sa iyong pamumuhay
mula pa nang ikaw ay isinilang
hanggang sa maisipan mong
gumawa ng masama.
16 Ang pag-unlad mo sa pangangalakal
ang naging dahilan ng iyong
pagmamalupit at pagkakasala.
Kaya pinalayas kita,
tagapagbantay na kerubin
sa banal na bundok ng Diyos;
pinaalis kita mula
sa nagniningning na mga bato.
17 Naging mayabang ka
dahil sa iyong kagandahan,
at ang karunungan moʼy iyong ginamit
sa paggawa ng masama
upang maging sikat ka.
Ito ang dahilan kung bakit ibinagsak kita
sa lupa sa harapan ng mga hari,
upang magsilbing babala sa kanila.
18 Dahil sa napakarami mong kasalanan
at pandaraya sa pangangalakal,
dinungisan mo ang mga lugar
kung saan ka sumasamba.
Kaya sa harap ng mga nakatingin sa iyo,
sinunog ko iyong ang lugar
at ikaʼy nasunog hanggang
sa maging abo sa lupa.
19 At ang lahat ng mga nakakakilala sa iyo
ay nagulat sa iyong sinapit.
Kakila-kilabot ang iyong naging wakas,
at lubusan ka nang mawawala.’ "
20 Sinabi sa akin ng Panginoon: 21 "Anak ng tao, humarap ka sa Sidon at sabihin mo ito laban sa kanya; 22 sabihin mong: ‘Ang Makapangyarihang Panginoon, ay nagsasabi:
Sidon, kalaban kita
at ipapakita ko ang aking kaluwalhatian.
Pupurihin ako ng mga tao sa oras
na parusahan kita,
at malalaman nila
na ako ang Panginoon.
Sa ganitong paraan malalaman mo
kung gaano ako kabanal.
23 Padadalhan kita ng mga salot
at dadanak ang dugo
sa iyong mga lansangan.
Kabi-kabila ang sasalakay sa iyo,
maraming mamamatay
sa mga mamamayan mo.
At malalaman nila
na ako ang Panginoon.
24 " ‘At mawawala na ang mga kalapit-bansa ng Israel na nangungutya sa kanila, na parang mga tinik na sumusugat sa kanilang damdamin. At malalaman nilang ako ang Makapangyarihang Panginoon.
25 " ‘Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon: Titipunin ko na ang mga mamamayan ng Israel mula sa mga bansang pinangalatan nila. Sa pamamagitan ng gagawin kong ito, maipapakita ko ang aking kabanalan sa mga bansa. Titira na sila sa sarili nilang lupain, ang lupaing ibinigay ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Ligtas silang maninirahan doon. Magtatayo sila ng mga bahay at magtatanim ng mga ubas. Wala nang manggugulo sa kanila kapag naparusahan ko na ang lahat ng kalapit nilang bansa na kumukutya sa kanila. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Diyos.’ "