Publicidade

Ezequiel 29

Ang Pahayag Laban sa Ehipto
Ang Hatol sa Faraon

1 Noong ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan, nang ikasampung taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon: 2 "Anak ng tao, humarap ka sa Ehipto, at magpropesiya ka laban sa Faraon na hari ng Ehipto at sa mga tagaroon. 3 Sabihin mong ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito:

Kalaban kita,

O Faraon, hari ng Ehipto.

Para kang malaking buwaya

na nagbababad sa ilog.

Sinasabi mong ikaw

ang may-ari ng ilog Nilo,

at ginawa mo ito para sa iyong sarili.

4 Ngunit kakawitan ko

ng kawil ang iyong panga,

at hihilahin kita paahon sa tubig

pati na ang mga isdang nakakapit

sa iyong mga kaliskis.

5 Itatapon kita sa ilang

ikaw, pati na ang mga isda ng iyong ilog.

Ikaw ay babagsak at hahandusay sa lupa

at walang kukuha upang maglilibing sa iyo.

Ipapakain kita sa mga mababangis

na hayop at sa mga ibon doon.

6 Malalaman ng lahat ng nakatira sa Ehipto na ako ang Panginoon.

" ‘Sapagkat para kang isang marupok na tungkod na gawa sa tambo para sa mga mamamayan ng Israel. 7 Nang humawak sila sa iyo, nabiyak ka at nasugatan ang mga bisig nila. Nang sumandal sila sa iyo, nabali ka kaya nabuwal sila at napilayan.

8 " ‘Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing: Ipapasalakay kita sa mga tao na papatay sa mga mamamayan at mga hayop mo. 9 Magiging tiwangwang ang Ehipto at malalaman ninyong ako ang Panginoon.

" ‘At dahil sinabi mong sa iyo ang Ilog ng Nilo at ikaw ang gumawa nito, 10 kalaban kita at ang iyong ilog. Wawasakin ko ang Ehipto at magiging tiwangwang ito mula sa Migdol papuntang Aswan, hanggang sa hangganan ng Etiopia. 11 Walang tao o hayop na dadaan o titira man doon sa loob ng apatnapung taon. 12 Gagawin kong tiwangwang na lugar ang Ehipto sa lahat ng bansa. Ang mga lungsod niya ay magiging pinakamalungkot sa lahat ng lungsod sa loob ng apatnapung taon. At ikakalat ko ang mga taga-Ehipto sa ibaʼt ibang bansa.

13 " ‘Ngunit sinabi rin ng Makapangyarihang Panginoon: Pagkalipas ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga taga-Ehipto mula sa mga bansang pinangalatan nila. 14 Muli ko silang ibabalik sa Patros sa gawing timog ng Ehipto na siyang lupain ng kanilang mga ninuno. Ngunit magiging mahinang kaharian lang sila. 15 Sila ang magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian at kahit kailan ay hindi na sila makakahigit sa ibang bansa dahil gagawin ko silang pinakamahinang kaharian. At hindi na sila makakapanakop ng ibang bansa. 16 Hindi na muling magtitiwala sa kanya ang mga mamamayan ng Israel. Ang nangyari sa Ehipto ay magpapaalala sa Israel ng kanyang kasalanan na paghingi ng tulong sa Ehipto. At malalaman ng mga Israelita na ako ang Makapangyarihang Panginoon.’ "

Ang Gantimpala ni Nebucadnezar

17 Noong unang araw ng unang buwan, nang ikadalawampuʼt pitong taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 18 "Anak ng tao, ang mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay nakipaglaban sa mga sundalo ng Tiro hanggang sa makalbo sila, at magkapaltos-paltos na ang mga balikat nila sa paglilingkod pero wala ring nangyari. Hindi nakuha ni Nebucadnezar at ng mga sundalo niya ang Tiro. 19 Ngunit ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing: Ipapasakop ko ang Ehipto kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Sasamsamin niya ang lahat ng kayamanan ng Ehipto bilang bayad sa mga sundalo niya. 20 Ibibigay ko sa kanya ang Ehipto bilang gantimpala sa pagpapagal na ginawa niya at ng mga sundalo niya para sa akin, sabi ng Makapangyarihang Panginoon.

21 "Ezekiel, sa oras na mangyari ito, muli kong palalakasin ang Israel. At malalaman ng mga Israelita na totoo ang sinabi mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-