32 Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi, "Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at mahihilo sila sa daan."
33 Sumagot ang kanyang mga alagad, "Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?"
34 Tinanong sila ni Hesus, "Ilan ang tinapay nʼyo diyan?"
Sinabi nila, "Pito po, at ilang maliliit na isda."
35 Pinaupo ni Hesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa kanyang mga alagad, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, inipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga apat na libo maliban pa sa mga babae at mga bata.