Ang Pagbabagong-anyo ni Hesus
1 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Hesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan sa isang mataas na bundok nang sila-sila lang. 2 At habang nakatingin sila kay Hesus, nagbago ang kanyang anyo. Nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at ang damit niyaʼy naging puting-puti na parang liwanag. 3 Biglang nagpakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Hesus.
4 Sinabi ni Pedro kay Hesus, "Panginoon, mabutiʼt narito tayo. Kung gusto nʼyo po, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias."
5 Habang nagsasalita pa si Pedro, nabalot sila ng nakakasilaw na ulap. At may narinig silang tinig mula sa mga ulap na nagsasabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!"