Pular para o conteúdo
Publicidade

Mga Taga-Roma 13

Magpasakop sa mga Pinuno ng Bayan

1 Magpasakop kayong lahat sa mga namumuno sa pamahalaan. Sapagkat ang lahat ng pamahalaan ay nagmula sa Diyos, at siya ang naglagay sa mga namumuno sa kanilang puwesto. 2 Kaya ang mga kumakalaban sa pamahalaan ay kumakalaban din sa itinalaga ng Diyos, at dahil ditoʼy sila rin ang nagdadala ng kaparusahan sa sarili nila. 3 Ang mga namumuno ay hindi dapat katakutan ng mga gumagawa ng mabuti. Ang dapat matakot sa kanila ay ang mga gumagawa ng masama. Gusto ba ninyong mabuhay nang hindi natatakot sa mga nasa kapangyarihan? Kung ganoʼn, gawin ninyo ang mabuti at pararangalan nila kayo. 4 Sapagkat ang mga nasa kapangyarihan ay mga lingkod ng Diyos para sa ating ikabubuti. Ngunit kung gagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil may kapangyarihan silang parusahan ka. Silaʼy mga lingkod ng Diyos na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. 5 Kaya magpasakop kayo sa mga nasa kapangyarihan, hindi lang upang maiwasan ang parusa kundi dahil ito ang nararapat gawin.

6 Iyan din ang dahilan kung bakit tayo nagbabayad ng buwis. Sapagkat ang mga namumuno ay lingkod ng Diyos at inilalaan nila ang kanilang buong panahon sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 7 Kaya ibigay ninyo ang nararapat sa kanila: Kung buwis at iba pang bayarin, bayaran ninyo; kung paggalang, igalang ninyo ang nararapat igalang, at kung parangal, parangalan ninyo ang dapat parangalan.

Veja também