Babala laban sa mga May Pinapaboran
1 Mga kapatid, bilang mga mananampalataya ng dakila nating Panginoong Hesu-Kristo, wala dapat kayong pinapaboran. 2 Halimbawa, may dumating sa inyong pagtitipon na isang taong may gintong singsing at nakasuot ng mamahaling damit, at dumating din ang isang mahirap na punit-punit ang damit. 3 Kung aasikasuhin nʼyo nang mabuti ang nakasuot ng mamahaling damit at sasabihin sa kanya, "Umupo ho kayo rito," samantalang sasabihin ninyo sa mahirap, "Tumayo ka roon" o "Umupo ka na lang sa sahig," 4 hindi baʼt may pinapaboran kayo at humahatol ayon sa masama ninyong pag-iisip?