1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Ito ang magiging kautusan tungkol sa may ketong, sa kaarawan ng kaniyang paglilinis, siya'y dadalhin sa saserdote:

3 At ang saserdote ay lalabas sa kampamento; at titingnan ng saserdote, at, narito, kung ang salot na ketong ay gumaling sa may ketong;

4 Ay ipagutos nga ng saserdote na ikuha siya na lilinisin, ng dalawang ibong malinis na buhay, at kahoy na cedro, at grana, at hisopo;

5 At ipaguutos ng saserdote, na patayin ang isa sa mga ibon, sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos.

6 Tungkol sa ibong buhay, ay kaniyang kukunin at ang kahoy na cedro, at ang grana at ang hisopo, at babasain pati ng ibong buhay, sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos:

7 At iwiwisik niya na makapito doon sa kaniya na lilinisin sa ketong, at ipakikilalang malinis, at pawawalan ang ibong buhay sa kalawakan ng parang.

8 At siya na lilinisin ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magaahit ng lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig; at magiging malinis: at pagkatapos ay papasok sa kampamento, datapuwa't tatahan sa labas ng kaniyang tolda na pitong araw.

9 At mangyayaring sa ikapitong araw, ay muling magaahit ng lahat niyang buhok, sa kaniyang ulo, at sa kaniyang baba, at sa kaniyang kilay, na anopa't aahitin niya ang lahat niyang buhok; at kaniyang lalabhan ang kaniyang mga suot, at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging malinis.

10 At sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang korderong lalake na walang kapintasan, at ng isang korderong babae ng unang taon na walang kapintasan, at ng isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na hinaluan ng langis, at ng isang log na langis.

11 At ihaharap ang taong lilinisin ng saserdoteng naglilinis sa kaniya, at gayon din ang mga bagay na yaon, sa harap ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan:

12 At kukuha ang saserdote ng isa sa mga korderong lalake at ihahandog na pinakahandog sa pagkakasala, at ng log ng langis, at aalugin na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon:

13 At papatayin ang korderong lalake sa pinagpapatayan ng handog dahil sa kasalanan at ng handog na susunugin, sa dako ng santuario: sapagka't kung paanong ang handog dahil sa kasalanan ay sa saserdote, gayon din ang handog dahil sa pagkakasala; bagay ngang kabanalbanalan:

14 At ang saserdote ay kukuha sa dugo ng handog dahil sa pagkakasala, at ilalagay ng saserdote sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa;

15 At kukuha ang saserdote sa log ng langis, at ibubuhos sa ibabaw ng palad ng kaniyang kaliwang kamay:

16 At itutubog ng saserdote ang kanang daliri niya sa langis na nasa kaniyang kaliwang kamay, at magwiwisik siyang makapito ng langis ng kaniyang daliri sa harap ng Panginoon:

17 At sa lumabis sa langis na nasa kaniyang kamay, ay maglalagay ang saserdote sa ibabaw ng pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa, sa ibabaw ng dugo ng dahil sa pagkakasala:

18 At ang labis sa langis na nasa kamay ng saserdote, ay ilalagay nito sa ulo niyaong lilinisin: at itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon.

19 At ihahandog ng saserdote ang handog dahil sa kasalanan, at itutubos sa kaniya, na lilinisin dahil sa kaniyang karumihan; at pagkatapos ay papatayin ang handog na susunugin:

20 At ihahandog ng saserdote ang handog na susunugin at ang handog na harina sa ibabaw ng dambana: at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y magiging malinis.

21 At kung siya'y dukha at ang kaniyang kaya ay hindi aabot, ay kukuha nga siya ng isang korderong lalake na handog dahil sa pagkakasala, na aalugin upang itubos sa kaniya, at ng ikasampung bahagi ng isang epa na mainam na harina, na hinaluan ng langis na pinakahandog na harina, at ng isang log ng langis;

22 At ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati, kung alin ang aabutin ng kaniyang kaya; at ang isa'y magiging handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin.

23 At sa ikawalong araw ay kaniyang dadalhin sa saserdote sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan upang gamitin sa kaniyang paglilinis sa harap ng Panginoon.

24 At kukunin ng saserdote ang korderong handog dahil sa pagkakasala at ang log ng langis, at aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon.

25 At kaniyang papatayin ang korderong handog dahil sa pagkakasala, at kukuha ang saserdote ng dugo ng handog dahil sa pagkakasala, at ilalagay sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa:

26 At magbubuhos ang saserdote ng langis sa ibabaw ng palad ng kaniyang kaliwang kamay:

27 At makapitong magwiwisik ang saserdote ng kaniyang kanang daliri, ng langis na nasa kaniyang kaliwang kamay, sa harap ng Panginoon:

28 At maglalagay ang saserdote ng langis na nasa kaniyang kamay, sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa, sa ibabaw ng pinaglagyan ng dugong handog dahil sa pagkakasala:

29 At ang labis ng langis na nasa kamay ng saserdote ay ilalagay niya sa ulo niyaong lilinisin, upang itubos sa kaniya sa harap ng Panginoon.

30 At kaniyang ihahandog ang isa sa mga batobato o sa mga inakay ng kalapati, kung alin ang kaniyang kaya;

31 Kung alin ang abutin ng kaniyang kaya, na ang isa'y handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin, pati ng handog na harina: at itutubos ng saserdote doon sa malilinis sa harap ng Panginoon.

32 Ito ang kautusan tungkol sa may salot na ketong, na ang kaniyang kaya ay hindi abot sa nauukol sa kaniyang paglilinis.

33 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

34 Pagka kayo'y nakapasok na sa lupain ng Canaan, na ibibigay kong pag-aari sa inyo, at ako'y naglagay ng salot na ketong sa alin mang bahay sa lupain ninyong inaari;

35 Ay yayaon ang may-ari ng bahay at magbibigay alam sa saserdote, na sasabihin, Tila mandin mayroong parang salot sa bahay:

36 At ipaguutos ng saserdote na alisan ng laman ang bahay bago pumasok ang saserdote na kilalanin ang tila salot, upang ang lahat na nasa bahay ay huwag mahawa: at pagkatapos ay papasok ang saserdote upang tingnan ang bahay:

37 At titingnan ang salot, at kung makita ngang ang tila salot ay nasa mga panig ng bahay na may ukit na namemerde, o namumula at tila malalim kaysa panig;

38 Ay lalabas nga ang saserdote sa bahay hanggang sa pintuan ng bahay at ipasasara ang bahay na pitong araw:

39 At babalik ang saserdote sa ikapitong araw, at titingnan: at, narito, kung makita ngang kumalat ang salot sa mga panig ng bahay;

40 Ay ipaguutos nga ng saserdote na bunutin ang mga batong kinaroonan ng tila salot at ipatatapon sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal:

41 At ipakakayas ang palibot ng loob ng bahay, at ang argamasang inalis na kinayas ay itatapon sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal:

42 At magsisikuha ng ibang mga bato, at ihahalili sa mga batong yaon, at magsisikuha ng ibang argamasa at siyang ihahaplos sa mga panig ng bahay.

43 At kung muling bumalik ang tila salot, at sumibol sa bahay, pagkatapos na mabunot ang mga bato; at pagkatapos makayas ang bahay, at pagkatapos na mahaplusan ng argamasa;

44 Ay papasok nga ang saserdote at titingnan, at, narito, kung makita ngang ang salot ay kumalat sa bahay ay ketong na nakakahawa sa bahay; ito'y karumaldumal.

45 At gigibain niya ang bahay na yaon, ang mga bato at ang mga kahoy, at ang lahat ng argamasa ng bahay; ay dadalhin sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal.

46 Bukod dito'y ang pumasok sa bahay na yaon ng buong panahong nasasara ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

47 At ang mahiga sa bahay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga suot; at ang kumain sa bahay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga suot.

48 At kung papasok ang saserdote, at, narito, kung hindi nga kumalat ang salot sa bahay, pagkatapos na nahaplusan ng argamasa; ay ipakikilala nga ng saserdote na malinis ang bahay, sapagka't gumaling sa salot.

49 At upang linisin ang bahay ay kukuha ng dalawang ibon, at ng kahoy na cedro, at ng grana, at ng hisopo:

50 At papatayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos:

51 At kukunin niya ang kahoy na cedro, at ang hisopo, at ang grana, at ang ibong buhay, at babasain sa dugo ng ibong pinatay, at sa tubig na umaagos, at wiwisikang makapito ang bahay:

52 At kaniyang lilinisin ng dugo ng ibon ang bahay at ng agos ng tubig, at ng ibong buhay at ng kahoy na cedro, at ng hisopo, at ng grana:

53 Datapuwa't pawawalan ang ibong buhay sa labas ng bayan, sa kalawakan ng parang: gayon tutubusin ang bahay: at magiging malinis.

54 Ito ang kautusan tungkol sa sarisaring salot na ketong at sa tina,

55 At sa ketong ng suot, at ng bahay.

56 At sa pamamaga at sa langib, at sa pantal na makintab:

57 Upang ituro kung kailan karumaldumal, at kung kailan malinis: ito ang kautusan tungkol sa ketong.