Pular para o conteúdo
Publicidade

1 Mga Taga-Corinto 12

Tayoʼy Bahagi ng Iisang Katawan

12 Ang katawan ng tao ay binubuo ng maraming bahagi, ngunit ang maraming bahagi na ito ay bumubuo sa iisa pa ring katawan. Gayundin naman ang mga mananampalatayang bumubuo sa katawan ni Kristo. 13 Tayong lahat, Hudyo man o Hentil, alipin o malaya ay nabautismuhan sa iisang Espiritu para maging isang katawan. At iisang Espiritu rin ang tinanggap nating lahat. 14 Ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi lamang kundi ng maraming bahagi.

15 Kaya kung sasabihin ng paa, "Dahil hindi ako kamay, hindi ako bahagi ng katawan," hindi ito nangangahulugang hindi na ito bahagi ng katawan. 16 At kung sasabihin naman ng tainga, "Dahil hindi ako mata, hindi ako bahagi ng katawan," hindi rin ito nangangahulugang hindi na ito bahagi ng katawan. 17 Dahil kung ang buong katawan ay puro mata, paano ito makakarinig? At kung ang katawan ay puro lamang tainga, paano ito makakaamoy? 18 Ngunit nilikha ng Diyos ang ating katawan na may ibaʼt ibang bahagi ayon sa kanyang nais. 19 Kung ang katawan ay binubuo lamang ng isang bahagi, matatawag pa ba itong katawan? 20 Ang totooʼy ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, ngunit iisang katawan lamang ito.

21 Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, "Hindi kita kailangan," at hindi rin masasabi ng ulo sa paa, "Hindi kita kailangan." 22 Ang totoo, ang mga bahagi ng katawan na parang mahina ang siya pang kailangang-kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay hindi gaanong mahalaga ay inaalagaan nating mabuti, at ang mga bahaging hindi maganda ay ating pinapaganda. 24 Hindi na kailangang pagandahin ang mga bahaging maganda na. Ganoon din nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan; sa halip, magkaroon ang bawat bahagi ng pagmamalasakit sa isaʼt isa. 26 Kaya kung nasasaktan ang isang bahagi ng katawan, ang ibang bahagi ay nasasaktan din. At kung ang isang bahagi ay pinararangalan, ang ibang bahagi ay natutuwa rin.

27 Kayong lahat ang bumubuo sa katawan ni Kristo, at ang bawat isaʼy bahagi nito.

Veja também