Publicidade

Jonas 4

Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon

1 Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. 2 Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, "O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Diyos at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarsis. 3 Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay."

4 Sumagot ang Panginoon, "May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?"

5 Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. 6 Pinatubo ng Panginoong Diyos ang isang halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. 7 Ngunit kinabukasan, habang maaga pa, ipinakain ng Diyos sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.

8 Pagsikat ng araw, pinaihip ng Diyos ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, "Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay."

9 Sinabi ng Diyos sa kanya, "May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?"

Sumagot si Jonas, "Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako."

10 Sinabi sa kanya ng Panginoon, "Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob ng isang magdamag at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11 Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa napakalaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 taong hindi nalalaman kung alin ang tama at ang mali at marami ring mga hayop?"

Veja também

Publicidade
Jonas
Ver todos os capítulos de Jonas
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-