1 Nanalangin si Jonas sa Panginoon na kanyang Diyos sa loob ng tiyan ng isda. 2 Sinabi niya,
"Panginoon,
sa paghihirap ng aking kalooban
at kalagayan
humingi ako ng tulong sa inyo,
at sinagot nʼyo ako.
Sa bingit ng kamatayan,
humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinakinggan nʼyo ako.
3 Inihagis nʼyo ako
sa pusod ng dagat.
Napalibutan ako ng tubig
at natabunan ng mga alon
na ipinadala ninyo.
4 Pinalayas nʼyo ako sa inyong harapan,
ngunit umaasa pa rin ako
na makakalapit muli ako sa inyo
doon sa inyong banal na Templo.
5 Lumubog po ako sa tubig
at halos malunod.
Natabunan ako ng tubig
at napuluputan ang ulo ko
ng mga halamang-dagat.
6 Lumubog ako hanggang
sa pinakailalim ng dagat,
at parang ikinulong
sa kailaliman
ng lupa magpakailanman.
Ngunit kinuha nʼyo ako
sa kailalimang iyon,
O Panginoon kong Diyos.
7 "Nang malapit na akong mamatay,
tumawag ako sa inyo, Panginoon,
at pinakinggan nʼyo ang dalangin ko
doon sa inyong banal na Templo.
8 "Ang mga taong sumasamba
sa mga walang kuwentang
diyos-diyosan
ay hindi na tapat sa inyo.
9 Ngunit maghahandog ako sa inyo
nang may awit ng pasasalamat.
Tutuparin ko ang pangako ko
na maghahandog sa inyo.
Kayo po, Panginoon,
ang nagliligtas."
10 Kaya inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa dalampasigan.