1 Isang araw, habang nangangaral ng Magandang Balita si Hesus sa mga tao sa Templo, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Hudyo. 2 Sinabi nila sa kanya, "Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?"
3 Sinagot sila ni Hesus, "Tatanungin ko rin kayo. Sabihin ninyo sa akin, 4 kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?"
5 Nag-usap-usap sila, "Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 6 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Diyos."
7 Kaya sumagot sila, "Hindi namin alam."
8 Sinabi ni Hesus sa kanila, "Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito."
9 Pagkatapos noon, ikinuwento ni Hesus sa mga tao ang talinghagang ito: "May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pagkatapos, pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lugar, at nanatili roon nang matagal. 10 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan upang kunin ang parte niya. Ngunit binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinaalis na walang dala. 11 Nagpadala ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero binugbog din nila at hiniya, at pinaalis na wala ring dala. 12 Nagsugo ulit siya ng ikatlong alipin, pero sinaktan din nila ito at pinalayas.
13 "Nag-isip ang may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Ah, alam ko na! Papupuntahin ko sa kanila ang minamahal kong anak. Siguro naman ay igagalang nila siya.’
14 "Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak niya, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Patayin natin siya upang mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 15 Kaya dinala nila ito sa labas ng ubasan at pinatay.
"Ngayon, ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? 16 Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan."
Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, "Huwag sanang ipahintulot ng Diyos na mangyari ito!"
17 Tiningnan sila ni Hesus at tinanong, "Ano ba ang ibig sabihin ng talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon.’
18 Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog."
19 Nang mapansin ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga namamahalang pari na sila ang pinatatamaan ni Hesus sa talinghagang iyon, sinubukan nilang dakpin siya noon din, ngunit hindi nila ito nagawa dahil natakot sila sa mga tao.
20 Kaya naghintay na lang sila ng ibang pagkakataon. Nagsugo sila ng mga espiya na magpapanggap na mabuti ang layunin nila sa pagpunta kay Hesus upang hulihin siya sa mga pananalita niya at maisakdal sa gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Hesus, "Guro, alam po naming totoo ang mga sinasabi at itinuturo ninyo. At wala kayong pinapaboran. Sa halip ay itinuturo ninyo kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Diyos. 22 Sabihin nʼyo po, nararapat po ba na magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?"
23 Ngunit alam ni Hesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya, 24 "Patingin nga ng pera. Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?"
Sumagot sila, "Sa Emperador."
25 Sinabi ni Hesus, "Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos ang sa Diyos."
26 Nabigo ang mga espiya sa pakay nilang mabitag si Hesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa kanyang sagot, tumahimik na lang sila.
27 May ilang Saduceo na lumapit kay Hesus at nagtanong. Sila ang mga Hudyo na hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. 28 Sinabi nila, "Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, upang magkaanak sila para sa kanya. 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 30,31 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Ngunit namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat na walang anak sa babae. 32 At kinalaunan, namatay din ang babae. 33 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil naging asawa niya silang lahat?"
34 Sumagot si Hesus, "Ang mga tao sa panahong ito ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga taong mamarapatin ng Diyos na mabuhay muli sa panahong darating ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay dahil matutulad na sila sa mga anghel. Silaʼy mga anak ng Diyos dahil muli silang binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling bubuhayin ang mga patay. Sapagkat nang naroon siya sa nagliliyab na mababang punongkahoy, tinawag niya ang Panginoon na ‘Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ 38 Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, para sa kanya ang lahat ay buhay."
39 Sinabi ng ilang tagapagturo ng Kautusan, "Guro, mahusay ang sagot ninyo." 40 At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
41 Ngayon, si Hesus naman ang nagtanong sa kanila, "Bakit sinasabi ng mga tao na ang Mesias daw ay anak lang ni David? 42 Samantalang si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Salmo,
‘Wika ng Panginoon sa aking Panginoon:
"Umupo ka rito sa aking kanan
43 hanggang sa gawin kong iyong apakan
ang iyong mga kalaban." ’
44 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano masasabing anak lang siya ni David?"
45 Habang nakikinig kay Hesus ang mga tao, sinabi niya sa mga alagad niya, 46 "Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 47 Dinadaya nila ang mga biyuda upang makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa."