1 Isang araw, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea, at nagsisiksikan sa kanya ang napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos. 2 May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin. Nakababa na sa bangka ang mga mangingisda at naghuhugas na ng mga lambat nila. 3 Sumakay siya sa bangkang pag-aari ni Simon at nakiusap dito na itulak iyon nang kaunti sa tubig. Naupo si Hesus sa bangka at nagturo sa mga tao.
4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, "Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat ninyo."
5 Sumagot si Simon, "Guro, magdamag po kaming nangisda pero wala kaming nahuli. Ngunit dahil sinabi ninyo, ihuhulog ko ulit ang mga lambat."
6 Nang magawa na nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda hanggang sa halos masira na ang kanilang mga lambat. 7 Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasama na nasa isa pang bangka para magpatulong. Tinulungan sila ng mga ito at napuno nila ng isda ang dalawang bangka, hanggang sa halos lumubog na sila.
8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at sinabi, "Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, dahil makasalanan ako." 9 Namangha siyaʼt natakot, pati ang mga kasamahan niya dahil sa dami ng nahuli nila, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon.
"Huwag kang matakot," sabi ni Hesus kay Simon. "Mula ngayon, hindi na isda ang huhulihin mo kundi mga tao na." 11 Nang maidaong na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.
12 Minsan, habang nasa isang bayan si Hesus, may isang lalaking may malubhang sakit sa balat na lumapit sa kanya. Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawa. Sinabi niya, "Panginoon, kung gugustuhin po ninyo, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis."
13 Hinawakan siya ni Hesus at sinabi, "Gusto ko. Gumaling ka!" At agad na nawala ang kanyang sakit sa balat.
14 Sinabihan siya ni Hesus, "Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na."
15 Subalit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Hesus, kaya dumating ang napakarami pang mga tao upang makinig sa mga aral niya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit laging pumupunta si Hesus sa ilang at doon nananalangin.
17 Isang araw habang nangangaral si Hesus, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo malapit sa kanya. (Nanggaling sila sa ibaʼt ibang bayan ng Galilea at Judea, at maging sa Jerusalem.) At taglay ni Hesus ang kapangyarihan ng Panginoon para magpagaling ng mga may sakit. 18 Noon din ay may mga taong dumating na buhat-buhat ang isang lalaking paralitiko na nasa higaan. Sinikap nilang ipasok ito sa bahay upang mailagay sa harap ni Hesus. 19 Ngunit hindi sila makapasok dahil sa dami ng tao, kaya umakyat sila sa bubong at bumaklas ng bahagi nito. Pagkatapos, ibinaba nila sa harap ni Hesus ang paralitikong nasa kanyang higaan.
20 Nang makita ni Hesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, "Kaibigan, pinatawad na ang iyong mga kasalanan."
21 Sinabi ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan sa kanilang sarili: "Sino ba ang taong ito na lumalapastangan sa Diyos? Tanging Diyos lamang ang nakakapagpatawad ng kasalanan!"
22 Alam ni Hesus ang iniisip nila, kaya tinanong niya ang mga ito, "Bakit ganyan ang iniisip ninyo? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngunit upang malaman ninyo na may kapangyarihan ang Anak ng Tao dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan, papatunayan ko ngayon sa inyo." At sinabi niya sa paralitiko, "Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!" 25 Bumangon nga agad ang paralitiko sa harap ng lahat, binuhat ang kanyang higaan, at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Namangha ang lahat at pinuri nila ang Diyos. Napuno sila ng takot at sinabi nila, "Kamangha-mangha ang mga bagay na nakita natin ngayon!"
27 Pagkatapos nito, umalis si Hesus at nakita niya ang maniningil ng buwis na ang pangalan ay Levi. Nakaupo ito sa lugar kung saan siya naniningil ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, "Sumunod ka sa akin." 28 Tumayo si Levi, iniwan ang lahat at sumunod kay Hesus.
29 Nagdaos si Levi sa kanyang bahay ng malaking handaan para kay Hesus. Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao ang dumalo at nakisalo sa kanila. 30 Nang makita ito ng mga Pariseo at ng mga kasama nilang mga tagapagturo ng Kautusan, nagreklamo sila sa mga alagad ni Hesus. Sinabi nila, "Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?"
31 Sinagot sila ni Hesus, "Hindi ang mga taong walang sakit ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. 32 Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi sila."
33 May mga tao roon na nagtanong kay Hesus, "Ang mga alagad ni Juan na Tagapagbaustimo at ng mga Pariseo ay madalas mag-ayuno at manalangin. Bakit ang mga alagad mo ay panay lang ang kain at inom?"
34 Sumagot si Hesus, "Mapag-aayuno ba ninyo ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! 35 Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno."
36 Sinabi rin ni Hesus sa kanila ang talinghagang ito: "Hindi ginugupit ang bagong damit para ipangtagpi sa luma. Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit, at ang telang itinagpi ay hindi babagay sa lumang damit. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ginawa ito, papuputukin ng bagong alak ang sisidlan. Matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat. 39 Wala ring taong nakainom na ng lumang alak ang maghahanap ng bagong alak, dahil tiyak na sasabihin niya, ‘Mas masarap ang luma.’ "