Publicidade

Lucas 2

Ang Kapanganakan ni Hesus

1 Sa mga panahong iyon, ang Emperador ng Roma na si Augusto ay gumawa ng kautusan na dapat magpatala ang lahat ng mamamayan ng bansang nasasakupan niya. 2 (Ito ang kauna-unahang sensus na naganap nang si Cirenio ang gobernador ng lalawigan ng Siria.) 3 Kaya umuwi ang lahat ng tao sa sarili nilang bayan upang magpalista.

4 Dahil si Jose ay nagmula sa angkan ni Haring David, naglakbay siya mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at umuwi sa Bethlehem sa lalawigan ng Judea, sa bayang sinilangan ni David. 5 Kasama niya sa pagpapalista ang magiging asawa niyang si Maria, na nooʼy malapit nang manganak. 6 At habang naroon sila sa Bethlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay na lalaki, binalot ito ng lampin, at inihiga sa sabsaban, dahil wala nang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan.

Nagpakita ang mga Anghel sa mga Pastol

8 Sa gabi ding iyon, may mga pastol sa parang na malapit sa Bethlehem na nagbabantay ng kanilang mga kawan ng tupa. 9 Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at napaligiran sila ng nagniningning na kaluwalhatian ng Panginoon. Lubha silang natakot 10 ngunit sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot dahil naparito ako para sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Mesias na siyang Panginoon. 12 Ito ang palatandaan: Makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban."

13 Walang ano-anoʼy lumitaw mula sa langit ang isang napakalaking hukbo ng mga anghel at sama-sama silang nagpuri sa Diyos. Sinabi nila,

14 "Papuri sa Diyos sa kaitaasan,

at sa lupa naman ay kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan!"

15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, "Tayo na sa Bethlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon."

16 Kaya nagmadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita nila ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol sa kanya. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Ngunit si Maria, isinapuso niya ang lahat ng ito at pinagbulay-bulayan. 20 Bumalik sa parang ang mga pastol na labis na nagpupuri sa Diyos dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, na ayon sa sinabi ng anghel.

21 Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang sanggol at pinangalanang Hesus. Ito ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi ni Maria.

Inihandog si Hesus sa Templo

22 Nang dumating na ang araw ng seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa babaeng nanganak, pumunta sina Jose at Maria sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon." 24 At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: "isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati."

25 May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Diyos, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Hinihintay niya ang pagdating ng Mesias na magliligtas sa Israel. 26 Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hanggaʼt hindi niya nakikita ang Mesias na ipinangako ng Panginoon. 27 Nang araw na iyon, sa patnubay ng Espiritu ay pumunta siya sa Templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose ang sanggol na si Hesus para ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, 28 kinarga ito ni Simeon at nagpuri sa Diyos. Sinabi niya:

29 "Ngayon, Panginoon, maaari na po

akong pumanaw nang payapa

dahil natupad na ang pangako nʼyo

sa akin na inyong lingkod.

30 Dahil nakita na ng aking mga mata ang Tagapagligtas,

31 na inihanda ninyo sa harapan ng lahat ng tao.

32 Siya ang ilaw na magbibigay-liwanag

sa isipan ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa inyo,

at magbibigay-dangal sa inyong bayang Israel."

33 Namangha ang ama at ina ng sanggol sa mga sinabi ni Simeon tungkol sa kanilang anak. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, "Tandaan mo: Itinalaga ang batang ito para ibagsak o iligtas ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Diyos, ngunit marami ang magsasalita laban sa kanya. 35 Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao."

36 Naroon din sa ang isang babaeng propeta na matandang-matanda na. Siya si Ana na anak ni Fanuel at mula sa lahi ni Asher. Namatay ang kanyang asawa noong pitong taon pa lamang silang kasal. 37 At namuhay siyang isang biyuda hanggang sa edad na walumpuʼt apat. Araw-gabi siyang nasa Templo na sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. 38 Noong oras ding iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay ng pagliligtas ng Diyos sa Jerusalem.

39 Nang maisagawa na nina Jose at Maria ang lahat ng dapat nilang gawin ayon sa Kautusan ng Panginoon, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret na sakop ng Galilea. 40 Lumaki ang batang si Hesus at naging malakas, at siyaʼy napakatalino at kalugod-lugod sa Diyos.

Ang Batang si Hesus sa Templo

41 Bawat taon pumupunta ang mga magulang ni Hesus sa Jerusalem upang dumalo sa Pista ng Paglampas ng Anghel. 42 Nang labindalawang taóng gulang na si Hesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila. 43 Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, ngunit nagpaiwan ang batang si Hesus sa Jerusalem nang hindi namamalayan ng mga magulang niya. 44 Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy lang sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Hesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. 45 Nang malaman nilang wala si Hesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya doon. 46 At sa ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. 47 Ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang pang-unawa at sa kanyang mga sagot. 48 Nang matagpuan siya roon ng kanyang mga magulang, nagtaka sila. Tinanong siya ng kanyang ina, "Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!"

49 Sumagot si Hesus, "Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?" 50 Subalit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

51 Umuwi si Hesus sa Nazaret kasama ng kanyang mga magulang, at patuloy siyang naging masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay isinapuso ng kanyang ina. 52 Patuloy na lumaki si Hesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Diyos at ng mga tao.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-