Publicidade

Lucas 1

Pasimula

1 Kagalang-galang na Teofilo:

Marami na ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga pangyayaring natupad sa kalagitnaan natin. 2 Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga taong nangaral ng salita ng Diyos at mismong saksi sa mga pangyayari mula pa noong una. 3 Matapos kong suriing mabuti ang lahat ng ito mula sa umpisa, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, 4 upang lubusan mong matiyak na totoo ang mga itinuro sa iyo.

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo

5 Noong si Herodes ang hari sa Judea, may isang pari na ang pangalan ay Zacarias na kabilang sa grupo ng mga pari na tinatawag na Grupo ni Abias. Ang asawa niya ay si Elisabet na kabilang din sa angkan ni Aaron. 6 Silang dalawa ay kapwa matuwid sa harapan ng Diyos. Maingat nilang sinusunod ang lahat ng utos at mga tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak dahil baog si Elisabet, at matanda na silang pareho.

8 Isang araw, naglilingkod si Zacarias sa Templo bilang pari dahil ang grupo niya ang nakatalagang manungkulan noong linggong iyon. 9 At alinsunod sa kaugalian ng mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng Templo ng Panginoon para magsunog ng insenso sa altar. 10 Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas.

11 Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso. 12 Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Ngunit sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elisabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. 14 Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya, 15 dahil magiging dakila siya sa mata ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Banal na Espiritu. 16 Dahil sa kanya, maraming Israelita ang magbabalik-loob sa Panginoon na kanilang Diyos. 17 Mauuna siya sa Panginoon para ihanda ang mga tao sa pagdating ng Panginoon. Gagawin niya ito sa tulong ng Espiritu at sa pamamagitan ng kapangyarihang katulad ng kay Elias noon. Tuturuan niya ang mga magulang na mahalin ang kanilang mga anak, at ang mga sumusuway sa Diyos na tanggapin ang karunungan ng mga matuwid."

18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, "Paano po mangyayari ang mga sinabi nʼyo? Matanda na ako, at ganoon din ang asawa ko."

19 Sumagot ang anghel, "Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Diyos. Siya ang nagsugo sa akin para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil hindi ka naniwala sa sinabi ko, magiging pipi ka. Hindi ka makakapagsalita hanggaʼt hindi natutupad ang sinabi ko sa iyo. Sapagkat tiyak na mangyayari ang sinabi ko pagdating ng panahong itinakda ng Diyos."

21 Samantala, hinihintay ng mga tao ang paglabas ni Zacarias. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya, hindi na siya makapagsalita at sumesenyas na lang siya. Kaya napagtanto nilang may nakita siyang pangitain sa loob ng templo. At mula noon ay naging pipi na siya.

23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi na si Zacarias. 24 Hindi nagtagal, nagdalantao si Elisabet, at sa loob ng limang buwan ay hindi siya lumabas ng bahay. 25 Sinabi niya, "Napakabuti ng Panginoon. Ngayoʼy inalis niya ang kahihiyan ko sa harap ng mga tao."

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Hesus

26 Sa ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elisabet, inutusan ng Diyos ang anghel na si Gabriel na pumunta sa bayan ng Nazaret sa lalawigan ng Galilea. 27 Pinapunta siya sa isang birhen na ang pangalan ay Maria. Nakatakda nang ikasal si Maria kay Jose na mula sa lahi ni Haring David. 28 Sinabi ni Gabriel, "Maria, magalak ka! Ikaw na pinagpala ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon."

29 Nabagabag si Maria sa sinabi ng anghel. Inisip niyang mabuti kung ano ang ibig sabihin noon. 30 Kaya sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Diyos. 31 Magdadalantao ka at magsisilang ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Hesus. 32 Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng ninuno niyang si David. 33 Maghahari siya sa mga lahi ni Jacob magpakailanman; ang kaharian niya ay walang katapusan."

34 Nagtanong si Maria sa anghel, "Paano po ito mangyayari gayong dalaga pa ako?"

35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Kaya ang banal na sanggol na ipapanganak mo ay tatawaging Anak ng Diyos. 36 Maging ang kamag-anak mong si Elisabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan. Alam ng lahat na baog siya, pero anim na buwan na siyang buntis ngayon. 37 Sapagkat walang imposible sa Diyos."

38 Sumagot si Maria, "Akoʼy lingkod ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo." At iniwan siya ng anghel.

Ang Pagdalaw ni Maria kay Elisabet

39 Hindi nagtagal, nag-ayos si Maria at dali-daling pumunta sa isang bayan sa kabundukan ng Judea. 40 Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan, at napuspos siya ng Banal na Espiritu. 42 Napasigaw siya sa tuwa, "Higit kang pinagpala sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! 43 Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. 44 Nang marinig ko ang pagbati mo, gumalaw sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. 45 Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon."

Ang Awit ni Maria

46 At sinabi ni Maria,

"Buong puso kong pinupuri ang Panginoon,

47 at nagagalak ang aking espiritu

sa Diyos na aking Tagapagligtas!

48 Sapagkat inalala niya ako

na kanyang abang lingkod.

Mula ngayon ay ituturing akong mapalad

ng lahat ng henerasyon,

49 dahil sa dakilang mga bagay

na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Diyos.

Banal ang kanyang pangalan!

50 Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya

sa bawat henerasyon.

51 Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa

sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

Itinaboy niya ang mga taong

mataas ang tingin sa sarili.

52 Ibinagsak niya ang mga hari

mula sa kanilang mga trono,

at iniangat niya ang mga aba.

53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,

ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman.

54,55 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod.

Sapagkat hindi niya kinalimutan ang pangako niya

sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi,

na kaaawaan niya sila magpakailanman."

56 At nakitira si Maria kina Elisabet nang mga tatlong buwan bago siya umuwi.

Ang Pagsilang kay Juan na Tagapagbautismo

57 Dumating na ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Nabalitaan ng mga kapitbahay at mga kamag-anak niya kung paano siya kinahabagan ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

59 Nang walong araw na ang sanggol, dumalo ang mga kapitbahay at mga kamag-anak sa pagtutuli sa kanya. Zacarias sana ang ipapangalan nila sa bata dahil iyon din ang pangalan ng kanyang ama. 60 Ngunit sinabi ni Elisabet, "Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya."

61 Sumagot ang mga tao, "Pero wala namang may ganyang pangalan sa pamilya ninyo."

62 Kaya tinanong nila ang ama sa pamamagitan ng senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan sa sanggol. 63 Sumenyas siya na bigyan siya ng masusulatan. Pagkatapos ay isinulat niya, "Juan ang ipapangalan sa kanya." Nagtaka silang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita na si Zacarias at nagpuri sa Diyos. 65 Nangilabot ang lahat ng kapitbahay nila, at naging usap-usapan sa buong kabundukan ng Judea ang pangyayaring iyon. 66 Ang lahat ng nakabalita ay nag-isip at nagtanong, "Magiging ano kaya ang batang ito kapag lumaki na siya?" Sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon.

Ang Pahayag ni Zacarias

67 Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag:

68 "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!

Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan.

69 Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas

mula sa angkan ng lingkod niyang si David.

70 Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon

sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta.

71 Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway

at sa lahat ng napopoot sa atin.

72 Kaaawaan niya ang ating mga ninuno,

at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila

73 na kanyang ipinangako sa ninuno nating si Abraham.

74 Ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway

upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot,

75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin

habang tayo ay nabubuhay."

76 Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya,

"Ikaw naman, anak,

ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos,

dahil mauuna ka sa Panginoon

upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating.

77 Ituturo mo sa kanyang mga mamamayan

kung paano sila maliligtas

sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan,

78 dahil maawain at mapagmahal ang ating Diyos,

ipapadala niya mula sa itaas ang Tagapagligtas

tulad ng pagsikat ng araw,

79 upang tanglawan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan.

At tayoʼy patnubayan sa daan ng kapayapaan."

80 Lumaki ang batang si Juan at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na nagsimula siyang mangaral sa mga Israelita.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-