1 Nagkuwento si Hesus sa mga alagad niya upang turuan silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sabi niya, "Sa isang bayan ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang paggalang sa tao. 3 Sa bayan ding iyon ay may isang biyuda na palaging pumupunta sa hukom at nagsasabi, ‘Bigyan nʼyo po ako ng katarungan at ipagtanggol nʼyo ako laban sa mga kaaway ko!’
4 "Noong una ay hindi pinapansin ng hukom ang biyuda, pero sa bandang huli ay sinabi niya, ‘Kahit hindi ako natatakot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 bibigyan ko ng katarungan ang babaeng ito para hindi na niya ako gambalain ulit. Dahil kung hindi, iinisin lang niya ako sa kapaparito niya.’ "
6 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, "Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom? 7 Ang Diyos pa kaya ang hindi magbigay ng katarungan sa mga pinili niya na tumatawag sa kanya araw at gabi? 8 Tinitiyak ko sa inyo na bibigyan niya agad sila ng katarungan. Ngunit pagbalik ng Anak ng Tao sa mundo, may makikita kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?"
9 May mga tao roon na matuwid ang tingin sa sarili at humahamak sa iba. Kaya sinabi ni Hesus sa kanila ang talinghagang ito: 10 "May dalawang lalaking pumunta sa templo upang manalangin. Ang isaʼy Pariseo at ang isa namaʼy maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin tungkol sa kanyang sarili. Sinabi niya, ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa inyo dahil hindi ako katulad ng iba na magnanakaw, mandaraya at mangangalunya o katulad ng maniningil ng buwis na iyon. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo, at nagbibigay ako ng ikapu ng lahat ng kinikita ko!’
13 "Ang maniningil naman ng buwis ay nakatayo sa malayo, at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘Diyos ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’
14 "Sinasabi ko sa inyo na ang maniningil ng buwis na iyon ay umuwing itinuring na matuwid ng Diyos, ngunit ang Pariseo ay hindi. Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas."
15 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Hesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Nang makita iyon ng mga alagad ni Hesus, sinaway nila ang mga tao. 16 Ngunit tinawag ni Hesus ang mga bata, at sinabihan niya ang mga alagad niya, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ang makakapasok sa kaharian ng Diyos. 17 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos."
18 May isang pinuno ng mga Hudyo na nagtanong kay Hesus, "Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?"
19 Sumagot si Hesus, "Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Diyos lang ang mabuti, wala nang iba! 20 Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’"
21 Sumagot ang lalaki, "Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata."
22 Nang marinig iyon ni Hesus ay sinabi niya, "Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin."
23 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya. 24 Nang makita ni Hesus na nalungkot siya, sinabi niya, "Napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa makapasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos."
26 Tinanong siya ng mga nakarinig nito, "Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?"
27 Sumagot si Hesus, "Ang imposible sa tao ay posible sa Diyos."
28 Sinabi ni Pedro, "Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo."
29 Sumagot si Hesus, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon."
31 Tinawag ni Hesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila, "Makinig kayo! Pupunta tayo sa Jerusalem, at matutupad na ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Sapagkat ibibigay ako sa mga hindi Hudyo. Iinsultuhin nila ako, hihiyain at duduraan. 33 Hahagupitin nila ako at papatayin, ngunit muli akong mabubuhay sa ikatlong araw."
34 Ngunit wala silang naintindihan sa mga sinabi ni Hesus, dahil itinago sa kanila ang kahulugan niyon.
35 Nang malapit na sina Hesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niya ang maraming taong dumadaan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi sa kanya ng mga tao, "Dumadaan si Hesus na taga-Nazaret."
38 Sumigaw ang bulag, "Hesus, Anak ni David, maawa po kayo sa akin!"
39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, "Anak ni David, maawa po kayo sa akin!"
40 Tumigil si Hesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, 41 "Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?"
Sumagot ang bulag, "Panginoon, gusto ko pong makakita!"
42 Sinabi sa kanya ni Hesus, "Makakita ka na! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya." 43 Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Hesus nang nagpupuri sa Diyos. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Diyos.