Publicidade

Salmos 95

1 Halikayo, magsiawit tayo

nang may kagalakan!

Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon

na ating Batong kanlungan at tagapagligtas.

2 Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,

at masaya nating isigaw ang mga awit

ng papuri sa kanya.

3 Dahil ang Panginoon

ay dakilang Diyos.

Makapangyarihang Hari sa lahat ng mga diyos-diyosan.

4 Hawak niya ang kailaliman ng lupa

maging ang tuktok ng mga bundok ay sa kanya.

5 Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain

na kanyang ginawa.

6 Halikayo, lumuhod tayo at sumamba

sa Panginoon na lumikha sa atin.

7 Dahil siya ang ating Diyos

at tayo ang kanyang mga mamamayan;

tulad natiʼy mga tupa sa kanyang kawan

na kanyang binabantayan at inaalagaan.

Kung maririnig nʼyo lang sana ang tinig niya!

8 Sinasabi ng Panginoon,

"Huwag ninyong patigasin ang inyong puso,

tulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno

doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.

9 Sinubok nila ako doon,

kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.

10 Sa loob ng apatnapung taon,

lubha akong nagalit sa kanila.

At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas

at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.

11 Kaya sa galit koʼy sumumpa ako

na hinding-hindi nila mararanasan

ang kapahingahang inilaan ko sa kanila."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-