1 Mga kababayan, ang mga turo koʼy
inyong pakinggan.
Sundin ninyo ang aking mga salita.
2 Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng paghahalintulad.
Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim
na katotohanan ng nakaraan.
3 Napakinggan na natin ito at nalaman.
Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
4 Hindi natin ito ililihim sa ating mga anak;
sasabihin natin sa mga susunod na henerasyon
ang kapangyarihan ng Panginoon
at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
5 Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan kay Jacob;
ginawa niya itong batas ng Israel.
Iniutos niya sa ating mga ninuno
na ituro ito sa kanilang mga anak,
6 upang itoʼy malaman din
ng susunod na henerasyon
at ituturo rin nila sa kanilang mga anak.
7 Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Diyos
at hindi nila makakalimutan
ang kanyang mga ginawa,
at susundin nila ang kanyang mga utos.
8 Hindi sila magiging katulad
ng kanilang mga ninuno
na matitigas ang ulo, suwail,
hindi lubos ang pagtitiwala sa Diyos,
at hindi tapat sa kanya.
9 Bagamaʼt may mga pana ang mga taga-Efraim,
umaatras naman sila sa oras ng labanan.
10 Hindi nila pinanindigan ang kasunduan nila sa Diyos,
at tumanggi silang mamuhay
ayon sa kanyang mga utos.
11 Kinalimutan nila ang mga kahanga-hanga
niyang ginawa
na ipinakita niya sa kanila.
12 Nasaksihan mismo ng ating mga ninuno
ang mga himala na ginawa ng Diyos
doon sa Zoan sa lupain ng Ehipto.
13 Hinawi niya ang dagat
at pinadaan sila roon;
ginawa niyang parang magkabilang pader ang tubig.
14 Pinatnubayan niya sila
sa pamamagitan ng ulap tuwing araw
at sa pamamagitan ng liwanag ng apoy naman
tuwing gabi.
15 Biniyak niya ang mga bato sa ilang
at dumaloy ang tubig
at binigyan sila ng maraming inumin
mula sa kailaliman ng lupa.
16 Pinalabas niya ang maraming
tubig mula sa bato
at ang tubig ay umagos gaya ng ilog.
17 Ngunit patuloy pa rin silang nagkasala sa kanya.
Naghimagsik sila sa Kataas-taasang Diyos doon sa ilang.
18 Sinadya nilang subukin ang Diyos
sa pamamagitan ng paghingi nila
ng mga pagkaing gusto nila.
19 Kinutya nila ang Diyos
nang sabihin nilang,
"Makakapaghanda ba ang Diyos
ng pagkain dito sa ilang?
20 Oo ngaʼt umagos ang tubig
nang hampasin niya ang bato,
ngunit makapagbibigay din ba siya
ng tinapay at karne sa atin?"
21 Narinig ito ng Panginoon at galit na galit siya.
Nag-apoy sa galit ang Panginoon laban sa lahi ni Jacob,
22 dahil hindi sila sumampalataya sa kanya,
o nagtiwala sa pagliligtas niya.
23 Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
24 at pinaulanan sila ng pagkaing manna.
Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
25 Kinain nila ang pagkain ng mga anghel,
at sobra pa sa kaya nilang kainin
ang ibinigay ng Diyos sa kanila.
26 Pinaihip niya ang hangin
mula sa silangan at sa timog
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
27 Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon,
na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
28 Pinadapo niya ang mga ito sa palibot
ng kanilang mga tolda sa kampo.
29 Kaya kumain sila at nabusog,
dahil ibinigay sa kanila ng Diyos
ang gusto nila.
30 Ngunit habang kumakain sila at nagpapakabusog,
31 nagalit ang Diyos sa kanila.
Pinatay niya ang makikisig
na mga kabataan ng Israel.
32 Sa kabila ng lahat ng ginawa ng Diyos sa kanila,
nagpatuloy pa rin sila sa pagkakasala.
Kahit na gumawa siya ng mga himala,
hindi pa rin sila naniwala.
33 Kaya agad niyang winakasan ang kanilang buhay
sa pamamagitan ng biglaang
pagdating ng kapahamakan.
34 Kapag pinarurusahan sila ng Diyos
at ang iba sa kanilaʼy namamatay,
nagbabalik-loob sila at agad lumalapit sa kanya.
35 At naalala nila na ang Diyos
ang kanilang Batong kanlungan,
ang Kataas-taasang Diyos
ang kanilang Tagapagligtas.
36 Ang papuri nilaʼy sa bibig lamang nagmumula
pawang kasinungalingan ang kanilang mga salita.
37 Hindi sila naging tapat sa kanya
at hindi nila pinahalagahan ang kasunduan niya sa kanila.
38 Ngunit dahil maawain ang Diyos,
pinatawad ang mga kasalanan nila
at hindi sila nilipol.
Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit
kahit napakatindi na ng kanyang poot.
39 Naisip niyang mga tao lamang sila,
parang hangin na dumadaan
at biglang nawawala.
40 Madalas silang maghimagsik
sa Diyos doon sa ilang
at pinalungkot nila siya.
41 Paulit-ulit nilang sinubok ang Diyos;
ginalit nila ang Banal na Diyos ng Israel.
42 Hindi nila inalala
ang kanyang kapangyarihan
sa araw na iniligtas niya sila
mula sa kanilang mga kaaway,
43 noong gumawa siya ng mga himala at tanda
roon sa Zoan, sa lupain ng Ehipto.
44 Ginawa niyang dugo ang mga ilog nila,
kaya wala silang mainom sa mga tubig nila.
45 Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw
na nagpahirap sa kanila
at mga palaka na puminsala sa lupain nila.
46 Ipinakain niya sa mga balang
ang kanilang mga pananim at mga ani.
47 Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas
at mga punong sikomoro
sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo.
48 Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop
sa pamamagitan ng kidlat
at pag-ulan ng malalaking yelo.
49 Ipinaranas niya sa kanila
ang matinding poot at galit niya,
at nagpadala siya ng mga anghel
na nagdulot ng sakuna.
50 Hindi pinigilan ng Diyos ang kanyang poot.
Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan.
Sa halip ay pinatay sila
sa pamamagitan ng mga salot.
51 Pinatay niyang lahat
ang mga panganay na lalaki sa Ehipto;
Oo, ang bawat panganay sa lahi ni Ham.
52 Ngunit parang mga tupa na inilabas niya sa Ehipto
ang kanyang mamamayan
tulad sa kawan ng mga tupa,
silaʼy pinatnubayan niya sa ilang.
53 Pinatnubayan niya sila,
kaya hindi sila natakot.
Ngunit ang mga kaaway nila
ay nalunod sa dagat.
54 Dinala niya sila sa lupaing kanyang pinili,
dito sa bulubunduking lugar na kinuha niya
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
55 Itinaboy niya ang lahat
ng naninirahan doon,
at hinati-hati ang lupain
sa mga lahi ng Israel
upang maging pag-aari nila
at maging tirahan.
56 Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Diyos,
naghimagsik sila at hindi sumunod
sa kanyang mga utos.
57 Tumalikod sila sa Diyos
katulad ng kanilang mga ninuno.
Tulad sila ng isang sirang pana
na hindi mapagkakatiwalaan.
58 Ginalit nila ang Diyos
dahil sa kanilang mga sambahan
sa matataas na lugar
Pinanibugho nila ang Diyos dahil sa kanilang
mga diyos-diyosan.
59 Alam ng Diyos ang ginawa ng mga Israelita,
kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.
60 Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Silo,
kung saan siya nananahan dito sa mundo.
61 Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway
ang Kahon ng Kasunduan
na simbolo ng kanyang kapangyarihan
at kadakilaan.
62 Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan
kaya ipinapatay niya sila
sa kanilang mga kaaway.
63 Sinunog ang kanilang mga binata,
kaya walang mapangasawa
ang kanilang mga dalaga.
64 Namatay sa labanan ang kanilang mga pari,
at ang mga naiwan nilang asawa
ay hindi makapagluksa.
65 Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon
mula sa kanyang pagkakahimlay;
at para siyang isang malakas na tao
na pinatapang ng alak.
66 Itinaboy niya at pinaatras
ang kanyang mga kaaway;
inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67 Itinakwil niya ang lahi ni Jose,
hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.
68 Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda
at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Doon niya ipinatayo ang kanyang Templo,
katulad ng langit at lupa
na kanyang itinatag, magpakailanman.
70,71 Pinili ng Diyos si David
na maging lingkod niya.
Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa
at ginawang hari ng Israel,
ang mga mamamayang kanyang hinirang.
72 Katulad ng isang mabuting pastol,
inalagaan niya ang mga Israelita
nang may katapatan
at mahusay silang pinamunuan.