1 Panginoon, bakit napakalayo nʼyo?
Bakit kayo nagtatago
sa mga oras ng gulo?
2 Ang dukhaʼy pinahihirapan
ng masasama at mayayabang.
Nawaʼy sa kanila mangyari
ang masasamang plano nila.
3 Ipinagmamalaki nila ang masasamang kagustuhan
ng kanilang puso.
Pinupuri nila ang mga sakim,
ngunit kinukutya ang Panginoon.
4 Dahil sa kahambugan ng mga taong masama,
ang Diyos ay kanilang binabalewala,
at wala siyang puwang sa pusoʼt isip nila.
5 Ang kanilang pamumuhay
ay laging matagumpay,
walang pag-aalala na silaʼy hahatulan.
Hinahamak nila ang lahat nilang kaaway.
6 Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila
at wala silang magiging problema.
7 Silaʼy lapastangan kapag nagsasalita,
mga sinungaling at mapagbanta,
at sila rin ang sumasambit
ng mga salitang masasama at masasakit.
8 Sa mga nayon silaʼy nagtatago;
nag-aabang ng mga inosente
na kanilang papatayin.
9 Para silang leon na nakakubli at nag-aabang,
para sakmalin at kaladkarin ang mahihirap.
10 Dahil malakas sila, ibinabagsak nila
ang mga kawawa,
hanggang sa hindi na makabangon pa.
11 Ang akala nilaʼy hindi sila
pinapansin ng Diyos
at hindi niya nakikita
ang kanilang mga ginagawa.
12 Parusahan nʼyo na po, Panginoong Diyos,
ang taong masama.
Huwag nʼyo pong pabayaan
ang mga inaapi.
13 Bakit nilalait ng taong masama ang Diyos?
Sinasabi pa niya, "Hindi tayo parurusahan ng Diyos."
14 Ngunit nakikita nʼyo, O Diyos,
ang mga taong nagdurusa at naghihirap.
Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa
tulad ng mga naulila,
at nakahanda kayong tumulong sa kanila.
15 Tanggalan nʼyo ng lakas
ang mga taong masama,
at parusahan sila hanggang silaʼy tumigil na
sa kanilang kasamaan.
16 Ang Panginoon, ay Hari magpakailanman!
Ngunit ang mga bansang hindi kumikilala sa kanya
ay palalayasin sa bayan niya.
17 Panginoon, naririnig ninyo ang dalangin ng mga mahihirap.
Pinapakinggan ninyo sila at pinalalakas.
18 Ipinagtatanggol ninyo ang mga ulila at mga api,
upang wala nang mga taong
mananakot ng kapwa,
sapagkat silaʼy tao rin lang.