1 Nang araw na iyon, binasa ang Kautusan ni Moises sa mga tao. At nalaman nilang ipinagbabawal ang mga Amonita at mga Moabita na makihalubilo sa mga mamamayan ng Diyos. 2 Dahil hindi nila binigyan ng pagkain at inumin ang mga Israelita nang lumabas sila sa Ehipto. Sa halip, inupahan nila si Balaam na isumpa ang mga Israelita. Ngunit sa halip na sumpa, ginawa ito ng Diyos na pagpapala. 3 Nang marinig ng mga tao ang kautusang iyon, hindi na nila isinama ang mga hindi tunay na Israelita.
4 Bago ito nangyari, si Eliasib na pari, na namamahala ng mga bodega sa bahay ng aming Diyos at kamag-anak ni Tobias, 5 ay nagpahintulot kay Tobias na gamitin ang malaking kuwarto sa Templo. Ang kuwartong ito ay ginagamit noon na bodega para sa mga handog na pagkain, insenso, mga kagamitan sa Templo, mga handog sa mga pari, mga ikapu ng mga trigo, bagong alak, at langis, na ayon sa Kautusan ay para sa mga Levita, sa mga mang-aawit, at sa mga tagapagbantay ng Templo.
6 Wala pa ako sa Jerusalem nang mangyari ito, dahil noong ikatatlumpuʼt dalawang taon ng paghahari ni Artaherhes sa Babilonia, pumunta ako sa kanya. Kinalaunan, pinayagan din niya ako 7 na makabalik sa Jerusalem. At pagdating ko, nalaman ko ang masamang ginawa ni Eliasib na nagpatira kay Tobias sa kuwarto na nasa harapan ng bahay ng Diyos. 8 Sa tindi ng galit ko, pinagtatapon ko ang lahat ng kagamitan ni Tobias palabas ng kuwarto. 9 Agad kong iniutos na linisin ang kuwarto. At pagkatapos, pinabalik ko roon ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos pati ang mga handog na pagkain at ang insenso.
10 Nalaman ko rin na ang mga Levita ay hindi na nabigyan ng bahagi na para sa kanila, kaya sila at ang mga mang-aawit na pinagkatiwalaan ng mga gawain sa Templo ay nagsiuwi upang magsaka. 11 Kaya pinagsabihan ko ang mga opisyal, "Bakit pinapabayaan nʼyo ang bahay ng Diyos?" Ipinatawag ko agad ang mga Levita at ang mga mang-aawit at pinabalik sa mga gawain nila sa Templo.
12 At muli ang lahat ng mamamayan ng Juda ay nagdala ng ikapu ng kanilang mga trigo, bagong alak, at langis doon sa mga bodega. 13 Ang pinamahala ko sa mga bodega ay si Selemias na pari, si Sadoc na tagapagturo ng kautusan, at ang Levitang si Pedaias. Pinatulong ko rin sa kanila si Hanan na anak ni Zacur at apo ni Matanias. Sila ang pinili dahil maaasahan sila. Ipinagkatiwala ko rin sa kanila ang pamamahagi ng mga pangangailangan ng kapwa nila manggagawa sa Templo.
14 O aking Diyos, alalahanin po ninyo ako at huwag kalimutan ang tapat kong paglilingkod para sa inyong Templo at sa mga gawain dito.
15 Nang oras na iyon, may nakita akong mga taga-Juda na pumipisa ng mga ubas sa Araw ng Pamamahinga. Ang iba sa kanila ay nagkakarga ng mga trigo, alak, ubas, igos, at iba pang mga bagay sa mga asno upang dalhin sa Jerusalem para ibenta. Kaya pinagsabihan ko sila na huwag ibenta ang mga produkto nila sa Araw ng Pamamahinga. 16 Mayroon ding mga taga-Tiro na nakatira sa Jerusalem na nagdala ng mga isda at iba pang mga kalakal. Ibinenta nila ito sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga. 17 Kaya sinaway ko ang mga pinuno ng Juda at sinabihan, "Ano ba itong ginagawa ninyong kasamaan? Bakit nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga? 18 Hindi ba ganito rin ang ginawa ng inyong mga ninuno, kaya tayo at ang lungsod na ito ay pinarusahan ng ating Diyos? Ngayon, ginalit pa ninyo nang lubos ang Diyos dahil sa ginagawa ninyo, dahil linapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga."
19 Kaya nag-utos ako na isara ang pintuan ng Jerusalem tuwing Biyernes habang papalubog ang araw, at huwag itong bubuksan hanggaʼt hindi pa natatapos ang Araw ng Pamamahinga. Pinabantayan ko sa mga tauhan ko ang mga pintuan upang walang makapasok na kahit anong tinda sa lungsod sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal ay natutulog sa labas ng Jerusalem kapag Biyernes ng gabi. 21 Ngunit binalaan ko sila. Sinabi ko, "Bakit dito kayo natutulog sa pader ng lungsod? Kapag inulit nʼyo pa ito, palalayasin ko kayo." Kaya mula noon, hindi na sila bumalik sa Araw ng Pamamahinga. 22 Pagkatapos, inutusan ko ang mga Levita na maging malinis at magbantay sa mga pintuan upang ituring na banal ng mga tao ang Araw ng Pamamahinga.
O aking Diyos, alalahanin po ninyo ang mga ginawa kong ito, at kaawaan nʼyo ako ayon sa dakila nʼyong pag-ibig.
23 Nang mga panahon ding iyon, nakita ko na may mga taga-Juda na nakapag-asawa ng mga babaeng taga-Asdod, taga-Amon, at taga-Moab. 24 Kalahati sa mga anak nila ay nagsasalita ng wikang Asdod o sa wika ng ibang tao, at hindi sila makapagsalita ng wika ng Juda. 25 Kaya sinaway ko at sinumpa ang mga taga-Juda. Pinalo ko ang iba sa kanila at hinila ang mga buhok nila. Ipinasumpa ko sila at ang mga anak nila sa pangalan ng Diyos na hinding-hindi na sila mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 At sinabi ko sa kanila, "Hindi ba ito ang dahilan ng pagkakasala ni Haring Solomon ng Israel? Walang haring katulad niya, saan mang bansa. Minamahal siya ng kanyang Diyos, at ginawa siya ng Diyos na hari sa buong Israel. Ngunit sa kabila ng lahat, nagkasala siya dahil sa udyok ng mga asawa niyang dayuhan. 27 At ano, pababayaan na lang ba namin ang kasamaang ito na ginawa nʼyo, ang pagiging hindi tapat sa ating Diyos sa pamamagitan ng pag-aasawa ng dayuhan?"
28 Si Joiada na anak na lalaki ng punong pari na si Eliasib ay may anak na nakipag-asawa sa anak ni Sanbalat na taga-Horon, kaya pinalayas ko siya.
29 O aking Diyos, huwag nʼyo pong kalilimutan na dinungisan nila ang kanilang pagkapari at ang sinumpaan nila bilang mga pari at mga Levita.
30 Kaya tiniyak ko na ang mga mamamayan ng Israel ay malaya na sa kahit anong impluwensya ng mga dayuhan. At binigyan ko ng trabaho ang mga pari at ang mga Levita ayon sa bawat gawain nila. 31 Tiniyak ko rin na ang mga panggatong na gagamitin sa paghahandog ay madadala sa tamang panahon, pati ang mga unang ani.
O aking Diyos, alalahanin po ninyo ako at pagpalain.