1 nagtipon ang lahat ng tao nang may pagkakaisa doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na tagapagturo ng kautusan na kunin niya ang Aklat ng Kautusan ni Moises na iniutos ng Panginoon sa mga Israelita.
2 Kaya nang unang araw ng ikapitong buwan, dinala ni Ezra, na pari, ang Kautusan sa harap ng mga tao na mga lalaki, babae, at mga batang nakakaunawa na. 3 Binasa niya ito sa kanila nang malakas mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghali, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. At pinakinggang mabuti ng lahat ang Aklat ng Kautusan.
4 Tumayo si Ezra na tagapagturo ng kautusan sa mataas na entabladong kahoy na ginawa para sa okasyong iyon. Sa bandang kanan niya ay nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias, at Maaseias. At sa bandang kaliwa ay nakatayo sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam.
5 Nakikita si Ezra ng lahat dahil mataas ang kinatatayuan niya. At nang binuksan niya ang aklat, tumayo ang lahat ng tao. 6 Pinapurihan ni Ezra ang Panginoon, ang Makapangyarihang Diyos! At sumagot ang mga tao, "Amen! Amen!" habang itinataas nila ang kanilang mga kamay. Pagkatapos, nagpatirapa sila at sumamba sa Panginoon.
7 Nang tumayo na ang mga tao, ipinaliwanag sa kanila ang Kautusan. Ang nagpaliwanag sa kanila ay ang mga Levita na sina Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan at Pelaias. 8 Bumasa sila mula sa Aklat ng Kautusan ng Diyos at ipinaliwanag ang kahulugan nito, upang maunawaan ng mga tao.
9 Habang nakikinig ang mga tao sa sinasabi ng Kautusan ay umiiyak sila. Sinabi sa kanila nina Nehemias na gobernador, Ezra na pari at tagapagturo ng kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag sa kanila ng Kautusan, "Ang araw na ito ay banal sa Panginoon na inyong Diyos, kaya huwag kayong umiyak."
10 Sinabi pa ni Nehemias, "Magdiwang kayo, kumain ng masasarap na pagkain at uminom ng masasarap na inumin. Bigyan nʼyo ang mga walang pagkain, dahil ang araw na ito ay banal sa Panginoon. At huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo."
11 Sinabi rin ng mga Levita, "Tumahimik kayo! Huwag kayong mabalisa! Sapagkat banal ang araw na ito."
12 Kaya umuwi ang lahat ng tao upang kumain at uminom at magbigay ng pagkain sa iba. Nagdiwang sila nang may lubos na kagalakan dahil naunawaan nila ang mga mensahe ng Diyos na binasa sa kanila.
13 Nang ikalawang araw ng buwang iyon, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga pamilya, ang mga pari at ang mga Levita upang mag-aral pa tungkol sa Kautusan. 14 Natuklasan nila sa Kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol sa oras ng pista na ginaganap tuwing ikapitong buwan. 15 At dapat nilang ipaalam sa Jerusalem at sa iba pa nilang mga bayan ang utos ng Panginoon: "Pumunta kayo sa mga kaburulan at kumuha ng mga sanga ng olibo, olibong-ligaw, mirto, palma, at iba pang mga kahoy na malago upang gawing mga kubol, ayon sa nakasulat sa Kautusan."
16 Kaya kumuha ang mga tao ng mga sanga at gumawa ng kubol sa bubong ng mga bahay nila, sa bakuran ng mga bahay nila, sa bakuran ng bahay ng Diyos, sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig, at sa Pintuan ni Efraim. 17 Lahat sila na bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol at doon tumira. Hindi pa nila nagawa ang ganito simula noong panahon ni Josue na anak ni Nun; at labis ang kasiyahan nila.
18 Araw-araw ay binabasa ni Ezra sa mga tao ang Aklat ng Kautusan ng Diyos, mula sa una hanggang sa huling araw ng pista. Ipinagdiwang nila ang pista ng pitong araw, at nang ikawalong araw, nagtipon sila bilang pagtatapos ayon sa Kautusan.