1 Ito ang talaan ng mga pari at ng mga Levita na bumalik mula sa pagkabihag kasama ni Zerubabel na anak ni Selatiel at ni Jeshua na punong pari:
Seraias, Jeremias, Ezra,
2 Amarias, Maluc, Hatus,
3 Secanias, Rehum, Meremot,
4 Ido, Ginetoi, Abias,
5 Mijamin, Maadias, Bilga,
6 Semaias, Joiarib, Jedaias,
7 Salu, Amok, Hilkias, at Jedaias.
Sila ang mga pinuno ng mga kapwa nila pari at ng kanilang mga kasama noong panahon ni Josue.
8 Ang mga Levita ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Serebias, Juda at Matanias. Si Matanias at ang mga kasama niya ang katiwala sa pag-awit ng mga awit ng pasasalamat. 9 At sina Bacbuquias, Uno, at ang mga kasama nila, ang katiwala sa pagsagot sa awit na iyon.
10 Si Jeshua ay ama ni Joiakim.
Si Joiakim ay ama ni Eliasib.
Si Eliasib ay ama ni Joiada.
11 Si Joiada ay ama ni Jonatan.
At si Jonatan ay ama ni Jadua.
12 Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga pari noong si Joiakim ang punong pari:
Si Meraias ang pinuno ng pamilya ni Seraias.
Si Hananias ang pinuno ng pamilya ni Jeremias.
13 Si Mesulam ang pinuno ng pamilya ni Ezra.
Si Jehohanan ang pinuno ng pamilya ni Amarias.
14 Si Jonatan ang pinuno ng pamilya ni Maluqui.
Si Jose ang pinuno ng pamilya ni Sebanias.
15 Si Adna ang pinuno ng pamilya ni Harim.
Si Helkai ang pinuno ng pamilya ni Meraiot
16 Si Zacarias ang pinuno ng pamilya ni Ido.
Si Mesulam ang pinuno ng pamilya ni Gineton.
17 Si Zicri ang pinuno ng pamilya ni Abias.
Si Piltai ang pinuno ng pamilya nina Miniamin at Moadias.
18 Si Samua ang pinuno ng pamilya ni Bilga.
Si Jehonatan ang pinuno ng pamilya ni Semaias.
19 Si Matenai ang pinuno ng pamilya ni Joiarib.
Si Uzi ang pinuno ng pamilya ni Jedaias.
20 Si Kalai ang pinuno ng pamilya ni Salu.
Si Eber ang pinuno ng pamilya ni Amok.
21 Si Hasabias ang pinuno ng pamilya ni Hilkias.
At si Netanael ang pinuno ng pamilya ni Jedaias.
22 Noong panahon ng paghahari ni Dario sa Persia, inilista ang mga pangalan ng mga pinuno sa mga pamilya ng mga pari at mga Levita. Nang panahon ng mga punong paring sina Eliasib, Joiada, Johanan, at Jadua. 23 Ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita hanggang sa panahon ni Johanan na apo ni Eliasib ay nakalista sa Aklat ng Kasaysayan. 24 Ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita ay sina Hasabias, Serebias, Jeshua, Binui, Kadmiel, at ang iba pa nilang mga kasama na nakatayo sa kabilang bahagi nila sa oras ng pag-awit sa Templo ng mga papuri at pasasalamat sa Diyos. Sila ang sumasagot sa awit ng kabilang grupo ayon sa utos ni David na lingkod ng Diyos.
25 Ang mga tagapagbantay ng Templo na nagbabantay ng mga bodega na malapit sa pintuan ay sina Matanias, Bacbuquias, Obadias, Mesulam, Talmon at Akub. 26 Sila ang naglilingkod sa panahon ni Joiakim na anak ni Jeshua at apo ni Josadac at sa panahon ni Nehemias na gobernador at ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan.
27 Noong panahong itinalaga ang pader ng Jerusalem, ipinatawag ang mga Levita mula sa tinitirhan nila. Pinapunta sila sa Jerusalem upang makalahok sa masayang pagdiriwang ng pagtatalaga ng Templo sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awit ng pasasalamat at pagtugtog ng mga pompyang, alpa, at lira. 28 Pinapunta rin ang mga mang-aawit mula sa mga nayon sa paligid ng Jerusalem at mula sa mga nayon ng Netofa. 29 May mga nagmula sa bayan ng Bet-gilgal, at sa lugar ng Geba at Azmavet. Sapagkat ang mga mang-aawit ay nagtayo ng sarili nilang mga nayon sa paligid ng Jerusalem. 30 Gumawa ng seremonya sa paglilinis ang mga pari at mga Levita, upang maging malinis sila, at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao, sa mga pintuan ng lungsod at sa pader nito.
31 Dinala ko ang mga pinuno ng Juda sa itaas ng pader, at tinipon ko roon ang dalawang malalaking grupo ng mga mang-aawit upang magpasalamat. Ang isang grupo naman ay nagmartsa roon sa itaas papunta sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura. 32 Sumusunod sa kanila sina Hosaias at ang kalahati ng mga pinuno ng Juda, 33 kasama rin sina Azarias, Ezra, Mesulam, 34 Juda, Benjamin, Semaias, Jeremias, 35 at ilang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta. Sumusunod din si Zacarias na anak ni Jonatan. (Si Jonatan ay anak ni Semaias. Si Semaias ay anak ni Matanias. Si Matanias ay anak ni Micaias. At si Micaias ay anak ni Zacur na angkan ni Asaf.) 36 Sumusunod naman kay Zacarias ang mga kasama niyang sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Netanael, Juda at Hanani. May dala silang mga instrumento katulad ng mga tinutugtog noon ni Haring David na lingkod ng Diyos. Ang grupong ito ay pinapangunahan ni Ezra na tagapagturo ng kautusan. 37 Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal, umakyat sila sa daang parang hagdan na papuntang Lungsod ni David. Dumaan sila sa palasyo ni David hanggang makarating sila sa Pintuan ng Tubig, sa gawing silangan ng lungsod.
38 Ang ikalawang grupo ay nagmartsa pakaliwa sa itaas ng pader. Sumunod ako sa grupong ito kasama ang kalahati ng mamamayan. Dumaan kami sa gilid ng Tore na May Hurno papunta sa Malapad na Pader. 39 Mula roon dumaan kami sa Pintuan ni Efraim, sa Lumang Pintuan, sa pintuang tinatawag na Isda, sa Tore ni Hananel, at sa Tore ng Isang Daan. Pagkatapos, dumaan kami sa pintuan na tinatawag na Tupa at huminto sa may Pintuan ng Guwardiya.
40 Ang dalawang grupo na nagpapasalamat sa Diyos habang nagmamartsa ay dumiretso sa bahay ng Diyos. Dumiretso rin ako roon at ang kalahati ng mga opisyal na kasama ko. 41 Naroon din ang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta na sina Eliakim, Maaseias, Miniamin, Micaias, Elioenai, Zacarias at Hananias, 42 at ang mga mang-aawit na sina Maaseias, Semaias, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malquias, Elam, at Ezer. Sila ang mga mang-aawit na pinamumunuan ni Jezrahias. 43 Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at nagsaya, dahil lubos silang pinagalak ng Diyos. Pati ang mga babae at mga bata ay naging masaya rin. Kaya ang ingay ng pagsasaya nila sa Jerusalem ay naririnig kahit sa malayo.
44 Nang araw ding iyon, naglagay sila ng mga lalaki na mamamahala sa mga bodega na pinaglalagyan ng mga kaloob, ng unang ani, at ng ikapu. Sila ang mangongolekta ng mga handog mula sa mga sakahan sa paligid ng mga bayan para sa mga pari at sa mga Levita, ayon sa Kautusan. Sapagkat natutuwa ang mga mamamayan ng Juda sa mga gawain ng mga pari at ng mga Levita. 45 Ginawa nila ang seremonya sa paglilinis at ang iba pang mga gawain na ipinapatupad sa kanila ng Diyos. Ginawa rin ng mga mang-aawit at ng mga tagapagbantay ng Templo ang mga gawain nila ayon sa mga utos ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. 46 Mula pa ng panahon ni Haring David at ni Asaf, mayroon nang mga namumuno sa mga umaawit ng papuri at pasasalamat sa Diyos. 47 Kaya noong panahon ni Zerubabel at ni Nehemias, ang lahat ng mga Israelita ay nagbibigay ng mga handog nila para sa mga mang-aawit at mga tagapagbantay ng Templo, maging sa mga Levita. At mula sa mga natatanggap nila, binahaginan din ng mga Levita ang mga paring mula sa angkan ni Aaron.