Publicidade

Salmos 27

Awit na isinulat ni David.

1 Ang Panginoon ang aking ilaw

at Tagapagligtas.

Sino ang aking katatakutan?

Siya ang nagtatanggol sa akin

kaya wala akong dapat katakutan.

2 Kapag sinasalakay ako

ng masasamang tao

o ng aking mga kaaway

upang patayin,

sila ang nabubuwal at natatalo!

3 Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,

hindi ako matatakot.

Kahit salakayin nila ako,

magtitiwala ako sa Diyos.

4 Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon,

ito ang tanging ninanais ko:

na akoʼy manirahan sa kanyang Templo habang akoʼy nabubuhay,

upang mamasdan ko ang kanyang kadakilaan,

at hilingin ang kanyang patnubay.

5 Sa oras ng kagipitaʼy itatago niya ako

sa kanyang Templo,

at ilalagay niya ako

sa ligtas na lugar.

6 Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko

na nakapaligid sa akin.

Maghahandog ako sa Templo ng Panginoon

habang sumisigaw sa kagalakan,

umaawit at nagpupuri.

7 Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.

Kahabagan nʼyo ako

at sagutin ang aking dalangin.

8 Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso

na lumapit sa inyo,

kaya narito ako,

lumalapit sa inyo.

9 Huwag nʼyo po akong pagtaguan!

Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil

dahil sa inyong galit.

Kayo na laging tumutulong sa akin,

huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,

O Diyos na aking Tagapagligtas.

10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,

kayo naman, Panginoon,

ang mag-aalaga sa akin.

11 Ituro nʼyo sa akin ang daang

gusto nʼyong lakaran ko.

Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,

dahil sa mga kaaway ko

na gusto akong gawan ng masama.

12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,

dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan

ng kasinungalingan,

at nais nilang akoʼy saktan.

13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,

habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.

14 Magtiwala kayo sa Panginoon!

Magpakatatag kayo

at huwag mawalan ng pag-asa.

Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-