Publicidade

Salmos 30

Awit na isinulat ni David para sa pagtatalaga ng Templo.

1 Panginoon, pupurihin ko kayo,

sapagkat akoʼy iniligtas nʼyo.

Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako

ng aking mga kaaway.

2 Panginoon kong Diyos,

humingi ako ng tulong sa inyo,

at pinagaling nʼyo ako.

3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.

Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.

4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,

kayong mga tapat sa kanya.

Papurihan ninyo ang kanyang

banal na pangalan.

5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,

ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.

Maaaring sa gabi ay may pagluha,

pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.

6 Sa panahon ng aking kaginhawahan

ay aking sinabi,

"Wala akong pangangambahan."

7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.

Pinatatag nʼyo ako tulad

ng isang bundok.

Ngunit nang lumayo kayo sa akin,

ako ay nanlumo.

8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon,

at nanalangin ng ganito:

9 "Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?

Makakapagpuri pa ba ang mga patay?

Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?

10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako

at kahabagan.

Tulungan nʼyo ako, Panginoon!"

11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo

ng sayaw ng kagalakan.

Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,

at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,

12 upang hindi ako tumahimik,

sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.

Panginoon kong Diyos,

kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-