1 O Diyos, huwag po sana kayong manahimik.
Huwag po ninyong takpan
ang inyong tainga.
Kumilos po kayo.
2 Tingnan ang inyong mga kaaway,
maingay silang sumasalakay
at ipinagyayabang na mananalo sila.
3 Nagbabalak sila ng masama
laban sa inyong mga mamamayan
na inyong kinakalinga.
4 Sinabi nila, "Halikayo,
wasakin natin ang bansang Israel
upang makalimutan na siya magpakailanman."
5 At nagkasundo sila sa masamang plano nila.
Gumawa sila ng kasunduan laban sa inyo.
6 Sila ay mga taga-Edom, mga Ismaelita,
mga taga-Moab, mga Hagreo,
7 mga taga-Gebal, Amonita, taga-Amalek,
mga taga-Filistia at mga taga-Tiro.
8 Kumampi rin sa kanila ang Asiria,
isang bansang malakas
na kakampi ng lahi ni Lot.
9 Talunin nʼyo sila Panginoon
katulad ng ginawa nʼyo sa mga Midianita
at kina Sisera at Jabin
doon sa Lambak ng Kison.
10 Namatay sila sa Endor
at ang mga bangkay nilaʼy nabulok
at naging pataba sa lupa.
11 Patayin nʼyo ang mga pinuno nila
katulad ng ginawa ninyo kina Oreb
at Zeeb at kina Zeba at Zalmuna.
12 Sinabi nila, "Agawin natin
ang lupain ng Diyos."
13 O Diyos ko, ikalat nʼyo sila
na parang alikabok o ipa
na nililipad ng hangin.
14,15 Tulad ng apoy na tumutupok
sa mga puno sa kagubatan
at kabundukan,
habulin nʼyo sila ng inyong bagyo
at takutin ng malalakas na hangin.
16 Hiyain nʼyo sila, Panginoon,
hanggang sa matuto silang lumapit sa inyo.
17 Sana nga ay mapahiya
at matakot sila habambuhay.
Mamatay sana sila sa kahihiyan.
18 Para malaman nilang kayo, Panginoon,
ang tanging Kataas-taasang Diyos
sa buong mundo.