1 O Diyos, maawa kayo sa akin
sapagkat sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
Palagi nila akong pinahihirapan.
2 Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
Sa kanilang pagmamataas,
akoʼy kanilang kinakalaban.
3 Kapag akoʼy natatakot, sa inyo ako magtitiwala.
4 O Diyos, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano baʼng magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
5 Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway
ang mga sinasabi ko.
Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
6 Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
binabantayan nila ang lahat ng kilos ko
at naghihintay ng pagkakataon
upang patayin ako.
7 Huwag nʼyo silang hayaang matakasan
ang parusa ng kanilang kasamaan.
Ibagsak ninyo ang mga bansa
sa inyong matinding galit, O Diyos.
8 Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan
at napapansin nʼyo ang aking
mga pag-iyak.
Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
9 Kapag tumawag ako sa inyo, O Diyos,
magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw
ay aking kakampi.
10 Panginoong Diyos, pinupuri ko kayo
dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano baʼng magagawa ng isang
hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Diyos,
ang mga pangako ko sa inyo.
Maghahandog ako ng alay
bilang pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
Para mamuhay akong kasama kayo, O Diyos,
sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.