Publicidade

Salmos 61

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na sinasaliwan ng instrumentong may kuwerdas.

1 O Diyos, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.

Dinggin nʼyo ang aking dalangin.

2 Mula sa dulo ng mundo,

akoʼy tumatawag sa inyo

dahil nawalan na ako ng pag-asa.

Dalhin ninyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,

3 dahil kayo ang aking kanlungan,

tulad kayo ng isang toreng matibay

na pananggalang

laban sa kaaway.

4 Hayaan po ninyong akoʼy manatili

sa inyong Templo, magpakailanman.

Kayo ang aking kanlungan,

akoʼy inyong iniingatan.

5 Dahil napakinggan ninyo, O Diyos,

ang aking mga pangako

at binigyan nʼyo ako ng mga bagay

na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.

6 Pahabain nʼyo ang buhay ng hari

at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon

sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.

7 Sanaʼy maghari siya magpakailanman

na kasama ninyo, O Diyos.

Ingatan ninyo siya

dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.

8 At akoʼy palaging aawit

ng papuri sa inyo,

at tutuparin kong lagi

ang aking mga pangako sa inyo.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-