Publicidade

Salmos 107

1 Magpasalamat kayo sa Panginoon,

sapagkat siyaʼy mabuti;

ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.

2 Sabihin ninyo ito, kayong mga iniligtas niya

sa kamay ng mga kaaway.

3 Dahil tinipon niya kayo mula sa mga bansa;

sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

4 May mga taong naglakbay sa ilang;

hindi nila makita ang daan papunta sa lungsod

na maaari nilang tirhan.

5 Silaʼy nagutom at nauhaw

at halos mamatay na.

6 Sa kanilang kagipitan,

tumawag sila sa Panginoon,

at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.

7 At pinatnubayan niya sila

papunta sa lungsod

na kanilang matitirahan.

8 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon

dahil sa pag-ibig niya

at kahanga-hanga niyang gawa sa mga tao.

9 Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,

at pinakakain ang mga nagugutom.

10 May mga taong ibinilanggo at kinadenahan

na nakaupo sa napakadilim na piitan.

11 Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila

sa mga sinabi ng Kataas-taasang Diyos

at hindi sumunod sa kanyang mga payo.

12 Kaya pinahirapan niya sila

sa kanilang mabigat na trabaho.

Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.

13 Sa kanilang kagipitan,

tumawag sila sa Panginoon,

at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.

14 Pinutol niya ang kanilang mga kadena

at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.

15 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,

dahil sa pag-ibig niya

at kahanga-hangang gawa sa mga tao.

16 Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso

at binali ang mga rehas na bakal.

17 May mga naging hangal

dahil sa kanilang likong pamumuhay,

at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.

18 Nawalan sila ng gana sa kahit anong pagkain

at malapit nang mamatay.

19 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,

at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.

20 Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling

at iniligtas niya sila sa kamatayan.

21 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,

dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.

22 Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya

at ihayag ang kanyang mga ginawa

nang may masayang pag-aawitan.

23 May mga taong sumakay sa mga barko

at nagbiyahe sa karagatan,

dahil ito ang kanilang hanapbuhay.

24 Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa

ng Panginoon sa karagatan.

25 Sa utos niya, ang hangin ay lumakas

at lumaki ang mga alon.

26 Kaya pumapaitaas ang kanilang barko

nang napakataas at pumapailalim.

At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.

27 Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,

at hindi na alam kung ano ang gagawin.

28 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,

at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.

29 Pinatigil niya ang malakas na hangin

at kumalma ang dagat.

30 At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,

at silaʼy pinatnubayan ng Diyos

hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.

31 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,

dahil sa pag-ibig niya

at kahanga-hangang gawa sa mga tao.

32 Dapat nilang parangalan ang Diyos

sa kanilang pagtitipon,

at purihin siya sa pagtitipon

ng mga namamahala sa kanila.

33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog

na maging ilang,

at ang mga bukal na maging tuyong lupa.

34 Nagagawa rin ng Panginoon

na walang maani sa matabang lupa,

dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.

35 Nagagawa rin niya ang ilang

na maging tubigan,

at sa mga tuyong lupain

ay magkaroon ng mga bukal.

36 Doon niya pinapatira ang mga taong nagugutom,

at nagtatayo sila ng lungsod

na kanilang tatahanan.

37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin

at nagtatanim ng ubas,

kaya sagana sila pagdating ng anihan.

38 Silaʼy pinagpapala ng Diyos,

at pinararami ang kanilang angkan.

Kahit ang kanilang mga alagang hayop

ay nadadagdagan.

39 Ngunit dahil sa pang-aapi,

kahirapan at pagkabagabag,

silaʼy nabawasan at napahiya.

40 Isinusumpa ng Diyos ang mga umaapi sa kanila,

at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.

41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha

sa kanilang kahirapan,

at pinarami ang kanilang

sambahayan na parang kawan.

42 Nakita ito ng mga matuwid

at silaʼy nagalak,

ngunit tumahimik ang masasamâ.

43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan

sa puso ng mga taong marunong,

at dapat din nilang isipin

ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-