1 Tumatawag ako sa inyo, Panginoon,
ang aking Batong kanlungan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
Dahil kung hindi, matutulad ako
sa mga patay na nasa libingan.
2 Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
Humingi ako sa inyo ng tulong,
habang itinataas ang aking mga kamay
sa harap ng inyong banal na Templo.
3 Huwag nʼyo akong parusahan
kasama ng masasamâ.
Nagkukunwari silang mga kaibigan,
pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
4 Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
5 Dahil binabalewala nila
ang mga gawa ng Panginoon,
gigibain nʼya sila at hindi na
ibabangon muli.
6 Purihin ang Panginoon,
dahil pinakinggan nʼya ang aking pagsusumamo.
7 Kayo ang nagpapalakas
at nag-iingat sa akin.
Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
Tinutulungan nʼyo ako,
kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
8 Kayo, Panginoon, ang kalakasan
ng inyong mga mamamayan.
Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
9 Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
Katulad ng isang pastol,
bantayan nʼyo sila,
at kalungin magpakailanman.