1 O Diyos, narinig namin mula sa aming mga ninuno
ang tungkol sa mga ginawa nʼyo
sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
2 Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan.
Samantalang ang aming mga ninuno
ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
3 Nasakop nila ang lupain,
hindi dahil sa kanilang mga armas.
Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
pagpapala at kakayahan,
dahil mahal nʼyo sila.
4 O Diyos, kayo ang aking Hari
na nagbigay ng tagumpay
sa amin na lahi ni Jacob.
5 Sa pamamagitan ninyoʼy pinatumbaʼt
tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
6 Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana
upang akoʼy magtagumpay,
7 dahil kayo ang nagbibigay ng tagumpay sa amin.
Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
8 O Diyos, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
at pupurihin namin kayo magpakailanman.
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami
at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin
ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami
sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian
ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami
ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan
ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kuwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami
ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at pang-iinsulto
ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo
at pinabayaan sa dakong madilim
na tinitirhan ng mga asong-gubat.
20 O Diyos, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang diyos kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim
sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa
at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa
at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami
dahil sa inyong pagmamahal sa amin.